1 Nang magkagayo'y sinabi ni David, Ito ang bahay ng Panginoong Dios, at ito ang dambana ng handog na susunugin para sa Israel.
2 At iniutos ni David na pisanin ang mga taga ibang bayan na nasa lupain ng Israel; at siya'y naglagay ng mga kantero upang magsitabas ng mga yaring bato, upang itayo ang bahay ng Dios.
3 At si David ay naghanda ng bakal na sagana na mga pinaka pako sa mga pinto ng mga pintuang-daan, at sa mga sugpong; at tanso na sagana na walang timbang;
4 At mga puno ng sedro na walang bilang; sapagka't ang mga Sidonio at ang mga taga Tiro ay nangagdala kay David ng mga puno ng sedro na sagana.
5 At sinabi ni David, Si Salomong aking anak ay bata at mura, at ang bahay na matatayo na laan sa Panginoon ay marapat na totoong mainam, na bantog at maluwalhati sa lahat na lupain: akin ngang ipaghahanda. Sa gayo'y naghanda si David ng sagana bago sumapit ang kaniyang kamatayan.
6 Nang magkagayo'y ipinatawag niya si Salomon na kaniyang anak, at binilinan niyang magtayo ng isang bahay na laan sa Panginoon, sa Dios ng Israel.
7 At sinabi ni David kay Salomon na kaniyang anak, Tungkol sa akin, na sa aking kalooban ang magtayo ng isang bahay sa pangalan ng Panginoon kong Dios.
8 Nguni't ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsasabi, Ikaw ay nagbubo ng dugo na sagana, at gumawa ng malaking pagdidigma: huwag mong ipagtatayo ng bahay ang aking pangalan, sapagka't ikaw ay nagbubo ng maraming dugo sa lupa sa aking paningin:
9 Narito, isang lalake ay ipanganganak sa iyo, na siyang magiging lalaking mapayapa; at bibigyan ko siya ng kapahingahan sa lahat ng kaniyang mga kaaway sa palibot: sapagka't ang kaniyang magiging pangalan ay Salomon, at bibigyan ko ng kapayapaan at katahimikan ang Israel sa kaniyang mga kaarawan:
10 Kaniyang ipagtatayo ng bahay ang aking pangalan; at siya'y magiging aking anak, at ako'y magiging kaniyang ama; at aking itatatag ang luklukan ng kaniyang kaharian sa Israel magpakailan man.
11 Ngayon, anak ko, ang Panginoon ay sumaiyo; at guminhawa ka, at iyong itayo ang bahay ng Panginoon mong Dios, gaya ng kaniyang sinalita tungkol sa iyo.
12 Pagkalooban ka lamang ng Panginoon ng pagmumunimuni, at pagkakilala, at bigyan ka niya ng bilin tungkol sa Israel; na anopa't iyong maingatan ang kautusan ng Panginoon mong Dios.
13 Kung magkagayo'y giginhawa ka, kung isasagawa mo ang mga palatuntunan at ang mga kahatulan na ibinilin ng Panginoon kay Moises tungkol sa Israel: ikaw ay magpakalakas at magpakatapang; huwag kang matakot o manglupaypay man.
14 Ngayon, narito, sa aking karalitaan ay ipinaghanda ko ang bahay ng Panginoon ng isang daang libong talentong ginto, at isang libong libong talentong pilak; at ng tanso at bakal na walang timbang; dahil sa kasaganaan: gayon din ng kahoy at bato ay naghanda ako; at iyong madadagdagan.
15 Bukod dito'y may kasama kang mga manggagawa na sagana, mga mananabas ng bato at manggagawa sa bato at sa kahoy, at lahat ng mga tao na bihasa sa anoman gawain;
16 Sa ginto, sa pilak, at sa tanso, at sa bakal, walang bilang. Ikaw ay bumangon at iyong gawin, at ang Panginoon ay sumaiyo.
17 Iniutos naman ni David sa lahat na prinsipe ng Israel na tulungan si Salomon na kaniyang anak, na sinasabi,
18 Hindi ba ang Panginoon ninyong Dios ay sumasainyo? at hindi ba binigyan niya kayo ng kapahingahan sa lahat na dako? sapagka't kaniyang ibinigay ang mga nananahan sa lupain sa aking kamay; at ang lupain ay suko sa harap ng Panginoon, at sa harap ng kaniyang bayan.
19 Ngayo'y inyong ilagak ang inyong puso at ang inyong kaluluwa upang hanaping sundin ang Panginoon ninyong Dios; kayo'y bumangon nga, at itayo ninyo ang santuario ng Panginoong Dios, upang dalhin ang kaban ng tipan ng Panginoon, at ang mga banal na kasangkapan ng Dios, sa loob ng bahay na itatayo sa pangalan ng Panginoon.