1 At nang dumating si Roboam sa Jerusalem, kaniyang pinisan ang sangbahayan ni Juda at ni Benjamin, na isang daan at walong pung libo na piling mga lalake, na mga mangdidigma, na magsisilaban sa Israel, upang ibalik ang kaharian kay Roboam.
2 Nguni't ang salita ng Panginoon ay dumating kay Semeias na lalake ng Dios, na sinasabi,
3 Salitain mo kay Roboam na anak ni Salomon, na hari sa Juda, at sa buong Israel sa Juda at Benjamin, na iyong sabihin,
4 Ganito ang sabi ng Panginoon, Kayo'y huwag magsisiahon, o magsisilaban man sa inyong mga kapatid: bumalik ang bawa't lalake sa kaniyang bahay; sapagka't ang bagay na ito ay sa akin. Sa gayo'y kanilang dininig ang mga salita ng Panginoon, at umurong ng kanilang lakad laban kay Jeroboam.
5 At si Roboam ay tumahan sa Jerusalem, at nagtayo ng mga bayan na pinaka sanggalang sa Juda.
6 Kaniyang itinayo nga ang Bethlehem, at ang Etham, at ang Tecoa,
7 At ang Beth-sur, at ang Socho, at ang Adullam,
8 At ang Gath, at ang Maresa, at ang Ziph,
9 At ang Adoraim, at ang Lachis, at ang Asecha,
10 At ang Sora, at ang Ajalon, at ang Hebron, na nangasa Juda at sa Benjamin, na mga bayang nangakukutaan.
11 At kaniyang pinagtibay ang mga katibayan, at mga nilagyan ng mga pinunong kawal, at saganang pagkain, at ng langis at alak.
12 At sa bawa't bayan, siya'y naglagay ng mga kalasag at mga sibat, at pinatibay niyang mainam ang mga yaon. At ang Juda at ang Benjamin ay ukol sa kaniya.
13 At ang mga saserdote at mga Levita na nangasa buong Israel ay napasakop sa kaniya na mula sa kanilang buong hangganan.
14 Sapagka't iniwan ng mga Levita ang kanilang mga nayon at ang kanilang pag-aari, at nagsiparoon sa Juda at Jerusalem: sapagka't pinalayas sila ni Jeroboam at ng kaniyang mga anak, na huwag nilang gagawin ang katungkulang pagkasaserdote sa Panginoon;
15 At siya'y naghalal para sa kaniya ng mga saserdote na ukol sa mga mataas na dako, at sa mga kambing na lalake, at sa mga guya na kaniyang ginawa.
16 At pagkatapos nila, yaong sa lahat ng mga lipi ng Israel na naglagak ng kanilang puso na hanapin ang Panginoon, ang Dios ng Israel, ay nagsiparoon sa Jerusalem upang maghain sa Panginoon, sa Dios ng kanilang mga magulang.
17 Sa gayo'y kanilang pinagtibay ang kaharian ng Juda, at pinalakas si Roboam na anak ni Salomon sa tatlong taon: sapagka't sila'y nagsilakad na tatlong taon sa lakad ni David at ni Salomon.
18 At nagasawa si Roboam kay Mahalath na anak ni Jerimoth na anak ni David, at kay Abihail na anak ni Eliab, na anak ni Isai;
19 At siya'y nagkaanak sa kaniya ng mga lalake; si Jeus, at si Samaria, at si Zaham.
20 At pagkatapos sa kaniya ay nagasawa siya kay Maacha na anak ni Absalom; ipinanganak nito sa kaniya si Abias, at si Athai, at si Ziza, at si Selomith.
21 At minahal ni Roboam si Maacha na anak ni Absalom ng higit kay sa lahat ng kaniyang mga asawa at sa kaniyang mga babae (sapagka't siya'y nagasawa ng labing walo, at anim na pung babae, at nagkaanak ng dalawang pu't walong lalake, at anim na pung babae.)
22 At inihalal ni Roboam si Abias na anak ni Maacha na maging pinuno, sa makatuwid baga'y prinsipe sa kaniyang mga kapatid: sapagka't kaniyang inisip na gawin siyang hari.
23 At siya'y kumilos na may katalinuhan, at kaniyang pinangalat ang lahat niyang mga anak na nalabi, sa lahat ng lupain ng Juda at Benjamin, hanggang sa bawa't bayang nakukutaan: at binigyan niya sila ng pagkaing sagana. At inihanap niya sila ng maraming asawa.