1 Nang ikatatlong pu't anim na taon ng paghahari ni Asa, si Baasa na hari sa Israel ay umahon laban sa Juda, at itinayo ang Rama, upang huwag niyang matiis na sinoma'y lumabas o pumaroon kay Asa na hari sa Juda.
2 Nang magkagayo'y kumuha si Asa ng pilak, at ginto sa mga kayamanan ng bahay ng Panginoon, at sa bahay ng hari, at nagsugo kay Ben-adad, na hari sa Siria, na tumatahan sa Damasco, na ipinasasabi,
3 May pagkakasundo ako at ikaw, na gaya ng aking ama at ng iyong ama: narito, ako'y nagpapadala sa iyo ng pilak at ginto; yumaon ka, sirain mo ang iyong pakikipagkasundo kay Baasa na hari sa Israel, upang siya'y lumayas sa akin.
4 At dininig ni Ben-adad ang haring Asa, at sinugo niya ang mga pinunong kawal ng kaniyang mga hukbo laban sa mga bayan ng Israel, at kanilang sinaktan ang Ion, at ang Dan, at ang Abel-maim, at ang lahat na bayang kamaligan ng Nephtali.
5 At nangyari, nang mabalitaan ni Baasa, na iniwan niya ang pagtatayo ng Rama, at ipinatigil ang kaniyang gawa.
6 Nang magkagayo'y ipinagsama ni Asa na hari ang buong Juda; at kanilang dinala ang mga bato ng Rama, at ang kahoy niyaon, na ipinagtayo ni Baasa; at itinayo niya sa pamamagitan niyaon ang Gibaa at Mizpa.
7 At nang panahong yaon ay naparoon kay Asa na hari sa Juda si Hanani na tagakita, at nagsabi sa kaniya, Sapagka't ikaw ay nagtiwala sa hari sa Siria, at hindi ka nagtiwala sa Panginoon mong Dios, kaya't ang hukbo ng hari sa Siria ay nagtanan sa iyong kamay.
8 Hindi ba ang mga taga Etiopia at ang mga Lubim ay makapal na hukbo, na may mga karo at mangangabayo na totoong marami? gayon ma'y sapagka't ikaw ay nagtiwala sa Panginoon, ibinigay sila sa iyong kamay.
9 Sapagka't ang mga mata ng Panginoon ay nagsisiyasat sa palibot ng buong lupa, upang pakilala na matibay sa ikagagaling ng mga yaon na ang puso ay sakdal sa kaniya. Ikaw ay gumawang may kamangmangan; sapagka't mula ngayo'y magkakaroon ka ng mga pakikipagdigma.
10 Nang magkagayo'y nagalit si Asa sa tagakita, at inilagay niya siya sa bilangguan: sapagka't siya'y nagalit sa kaniya dahil sa bagay na ito. At pinighati ni Asa ang iba sa bayan nang panahon ding yaon.
11 At, narito, ang mga gawa ni Asa, na una at huli, narito, nangakasulat sa aklat ng mga hari sa Juda at Israel.
12 At nang ikatatlong pu't siyam na taon ng kaniyang paghahari, si Asa ay nagkasakit sa kaniyang mga paa; ang kaniyang sakit ay totoong malubha: gayon ma'y sa kaniyang sakit ay hindi niya hinanap ang Panginoon, kundi ang mga manggagamot.
13 At si Asa ay natulog na kasama ng kaniyang mga magulang, at namatay sa ikaapat na pu't isang taon ng kaniyang paghahari.
14 At inilibing nila siya sa kaniyang sariling mga libingan, na kaniyang ipinahukay para sa kaniya sa bayan ni David, at inihiga siya sa higaan na pinunu ng mga masarap na amoy at sarisaring espesia na inihanda ng manggagawa ng mga pabango; at ipinagsunog nila niyaon ng di kawasa.