1 At nangyari, sa katapusan ng dalawangpung taon na ipinagtayo ni Salomon ng bahay ng Panginoon, at ng kaniyang sariling bahay.
2 Na ang mga bayan na ibinigay ni Hiram kay Salomon, mga itinayo ni Salomon, at pinatahan doon ang mga anak ni Israel.
3 At si Salomon ay naparoon sa Hamath-soba, at nanaig laban doon.
4 At kaniyang itinayo ang Tadmor sa ilang, at lahat na bayan na imbakan na kaniyang itinayo sa Hamath.
5 Itinayo rin niya ang Bet-horon sa itaas, at ang Bet-horon sa ibaba, na mga bayang nakukutaan, na may mga kuta, mga pintuang-bayan, at mga halang;
6 At ang Baalath at ang lahat na bayan na imbakan na tinatangkilik ni Salomon, at lahat na bayan na ukol sa kaniyang mga karo, at ang mga bayan na ukol sa kaniyang mga mangangabayo, at lahat na ninasa ni Salomon, na itayo para sa kaniyang kasayahan sa Jerusalem, at sa Libano, at sa buong lupain ng kaniyang sakop.
7 Tungkol sa buong bayan na naiwan sa mga Hetheo, at mga Amorrheo, at mga Perezeo, at mga Heveo, at mga Jebuseo, na hindi sa Israel;
8 Ang kanilang mga anak na naiwan pagkamatay nila sa lupain na hindi nilipol ng mga anak ni Israel, ay sa kanila naglagay si Salomon ng mangaatag na mga alipin, hanggang sa araw na ito.
9 Nguni't sa mga anak ni Israel ay walang ginawang alipin si Salomon sa kaniyang gawain; kundi sila'y mga lalaking mangdidigma, at mga pinuno sa kaniyang mga pinunong kawal, at mga pinuno sa kaniyang mga karo, at sa kaniyang mga mangangabayo.
10 At ito ang mga pangulong pinuno ng haring Salomon, na dalawang daan at limang pu na nagpupuno sa bayan.
11 At iniahon ni Salomon ang anak na babae ni Faraon mula sa bayan ni David hanggang sa bahay na kaniyang itinayo na ukol sa kaniya; sapagka't kaniyang sinabi, Hindi tatahan ang aking asawa sa bahay ni David na hari sa Israel, sapagka't ang mga dako ay banal na pinagpasukan sa kaban ng Panginoon.
12 Nang magkagayo'y naghandog si Salomon sa Panginoon ng mga handog na susunugin, sa dambana ng Panginoon, na kaniyang itinayo sa harap ng portiko,
13 Sa makatuwid baga'y ayon sa kailangan sa bawa't araw, na naghahandog ayon sa utos ni Moises, sa mga sabbath, at sa mga bagong buwan, at sa mga takdang kapistahan, na makaitlo sa isang taon, sa kapistahan ng tinapay na walang lebadura, at sa kapistahan ng mga sanglinggo, at sa kapistahan ng mga balag.
14 At siya'y naghalal, ayon sa utos ni David na kaniyang ama ng mga bahagi ng mga saserdote sa kanilang paglilingkod, at ng mga Levita sa kanilang mga katungkulan upang mangagpuri, at upang mangasiwa sa harap ng mga saserdote, ayon sa kailangan ng katungkulan sa bawa't araw: ang mga tagatanod-pinto naman ayon sa kanilang mga bahagi sa bawa't pintuang-daan: sapagka't gayon ang iniutos ni David na lalake ng Dios.
15 At sila'y hindi nagsihiwalay sa utos ng hari sa mga saserdote at mga Levita tungkol sa anomang bagay, o tungkol sa mga kayamanan.
16 Ang lahat ngang gawain ni Salomon ay nahanda sa araw ng pagtatayo ng bahay ng Panginoon, at hanggang sa natapos. Sa gayo'y nayari ang bahay ng Panginoon.
17 Nang magkagayo'y naparoon si Salomon sa Ezion-geber, at sa Eloth, sa tabi ng dagat sa lupain ng Edom.
18 At nagpadala sa kaniya si Hiram ng mga sasakyang dagat sa pamamagitan ng kamay ng kaniyang mga bataan, at mga bataan na bihasa sa dagat; at sila'y nagsiparoon sa Ophir na kasama ng mga bataan ni Salomon, at nagsipagdala mula roon ng apat na raan at limangpung talentong ginto, at dinala sa haring Salomon.