1 At nangyari nang ikasiyam na taon ng kaniyang paghahari sa ikasangpung buwan, nang ikasangpung araw ng buwan, na si Nabucodonosor na hari sa Babilonia ay naparoon, siya at ang buo niyang hukbo, laban sa Jerusalem, at humantong laban doon; at nagsipagtayo sila ng mga kuta sa palibot laban doon.
2 Sa gayo'y nakubkob ang bayan hanggang sa ikalabing isang taon ng haring Sedecias.
3 Nang ikasiyam na araw ng ikaapat na buwan, ang kagutom ay lumala sa bayan, na anopa't walang tinapay sa bayan ng lupain.
4 Nang magkagayo'y gumawa ng isang butas sa kuta ng bayan, at ang lahat na lalaking mangdidigma ay nagsitakas sa gabi sa daan ng pintuang-bayan sa pagitan ng dalawang kuta, na nasa siping ng halamanan ng hari (ang mga Caldeo nga ay nangasa tapat ng palibot ng bayan;) at ang hari ay yumaon sa daan ng Araba.
5 Nguni't hinabol ng hukbo ng mga Caldeo ang hari, at inabutan nila siya sa mga kapatagan ng Jerico: at ang buo niyang hukbo ay nangalat sa kaniya.
6 Nang magkagayo'y kinuha nila ang hari at dinala nila siya sa hari sa Babilonia sa Ribla; at sila'y nangagbigay ng kahatulan sa kaniya.
7 At kanilang pinatay ang mga anak ni Sedecias, sa harap ng kaniyang mga mata, at inukit ang mga mata ni Sedecias at siya'y nilagyan ng damal, at dinala siya sa Babilonia.
8 Nang ikalimang buwan nga, nang ikapitong araw ng buwan, na siyang ikalabing siyam na taon ng haring Nabucodonosor, na hari sa Babilonia, ay naparoon sa Jerusalem si Nabuzaradan na punong kawal ng bantay, na lingkod ng hari sa Babilonia.
9 At kaniyang sinunog ang bahay ng Panginoon, at ang bahay ng hari; at ang lahat na bahay sa Jerusalem, sa makatuwid baga'y bawa't malaking bahay, ay sinunog niya ng apoy.
10 At ibinagsak ang mga kuta ng Jerusalem sa palibot, ng buong hukbo ng mga Caldeo, na kasama ng punong kawal ng bantay.
11 At ang nalabi na mga tao na naiwan sa bayan, at yaong nagsihiwalay, na nagsihilig sa hari sa Babilonia, at ang labi sa karamihan, ay dinalang bihag ni Nabuzaradan na punong kawal ng bantay.
12 Nguni't iniwan ng punong kawal ng bantay ang mga pinakadukha sa lupain upang maging maguubas at magbubukid.
13 At ang mga haliging tanso na nangasa bahay ng Panginoon, at ang mga tungtungan at ang dagatdagatan na tanso na nasa bahay ng Panginoon, ay dinurog ng mga Caldeo, at dinala ang tanso sa Babilonia.
14 At ang mga palayok, at ang mga pala, at ang mga gunting, at ang mga kutchara, at ang lahat na kasangkapan na tanso na kanilang ipinangangasiwa, ay kanilang dinala.
15 At ang mga apuyan, at ang mga mangkok; na ang sa ginto, ay ginto, at ang sa pilak ay pilak, pinagdadala ng punong kawal ng bantay.
16 Ang dalawang haligi, ang dagatdagatan, at ang mga tungtungan, na ginawa ni Salomon sa bahay ng Panginoon; ang tanso ng lahat ng kasangkapang ito ay walang timbang.
17 Ang taas ng isang haligi ay labing walong siko, at isang kapitel na tanso ang nasa dulo niyaon; at ang taas ng kapitel ay tatlong siko, na may yaring lambat at mga granada sa kapitel sa palibot, lahat ay tanso; at mayroong gaya ng mga ito ang ikalawang haligi na may yaring lambat.
18 At kinuha ng punong kawal ng bantay si Saraias na dakilang saserdote, at si Sophonias na ikalawang saserdote, at ang tatlong tagatanod-pinto:
19 At sa bayan ay kumuha siya ng isang pinuno na inilagay sa mga lalaking mangdidigma: at limang lalake sa kanila na nakakita ng mukha ng hari na nangasumpungan sa bayan: at ang kalihim, ang punong kawal ng hukbo, na humusay ng bayan ng lupain; at anim na pung lalake ng bayan ng lupain, na nangasumpungan sa bayan.
20 At kinuha sila ni Nabuzaradan na punong kawal ng bantay, at dinala sila sa hari sa Babilonia sa Ribla.
21 At sinaktan sila ng hari sa Babilonia, at pinatay sila sa Ribla, sa lupain ng Hamath. Sa gayo'y dinala ang Juda na bihag mula sa kaniyang lupain.
22 At tungkol sa bayan na naiwan sa lupain ng Juda, na iniwan ni Nabucodonosor na hari sa Babilonia, ay sa mga yaon ginawa niyang tagapamahala si Gedalias na anak ni Ahicam, na anak ni Saphan.
23 Nang mabalitaan nga ng lahat ng pinuno ng mga hukbo, nila, at ng kanilang mga lalake, na ginawang tagapamahala si Gedalias ng hari sa Babilonia, ay nagsiparoon sila kay Gedalias sa Mizpa, sa makatuwid bagay si Ismael na anak ni Nathanias, at si Johanan na anak ni Carea, at si Saraia na anak ni Tanhumet, na Netofatita, at si Jaazanias na anak ng Maachateo, sila at ang kanilang mga lalake.
24 At si Gedalias ay sumampa sa kanila at sa kanilang mga lalake, at nagsabi sa kanila, Kayo'y huwag mangatakot ng dahil sa mga lingkod ng mga Caldeo: magsitahan kayo sa lupain, at kayo'y magsipaglingkod sa hari sa Babilonia, at ikabubuti ninyo.
25 Nguni't nangyari nang ikapitong buwan, na si Ismael na anak ni Nathanias, na anak ni Elisama, na mula sa lahing hari, at sangpung lalake na kasama niya, ay naparoon, at sinaktan si Gedalias, na anopa't namatay, at ang mga Judio at ang mga Caldeo, na mga kasama niya sa Mizpa.
26 At ang buong bayan, maliit at gayon din ang malaki, at ang mga pinuno ng hukbo, ay nagsitindig, at nagsiparoon sa Egipto; sapagka't sila'y nangatakot sa mga Caldeo.
27 At nangyari nang ikatatlongpu't pitong taon ng pagkabihag ni Joachin na hari sa Juda, nang ikalabing dalawang buwan, nang ikadalawangpu't pitong araw ng buwan, na si Evil-merodach na hari sa Babilonia, nang taon na siya'y magpasimulang maghari, ay itinaas ang ulo ni Joachin na hari sa Juda sa bilangguan;
28 At siya'y nagsalita na may kagandahang loob sa kaniya, at inilagay ang kaniyang luklukan sa itaas ng luklukan ng mga hari na kasama niya sa Babilonia.
29 At kaniyang pinalitan ang kaniyang damit na pagkabihag. At kumain si Joachin ng tinapay sa harap niya na palagi sa lahat ng kaarawan ng kaniyang buhay.
30 At tungkol sa kaloob sa kaniya, may palaging kaloob na ibinibigay sa kaniya ang hari, bawa't araw isang bahagi ng pagkain, lahat ng mga araw ng kaniyang buhay.