1 Kung may bumangon sa gitna mo na isang manghuhula, o isang mapanaginipin ng mga panaginip, at kaniyang bigyan ka ng isang tanda o kababalaghan,
2 At ang tanda o ang kababalaghan ay mangyari, na kaniyang pagsalitaan ka, na sabihin, Sumunod tayo sa ibang mga dios, na hindi mo nakikilala, at ating paglingkuran sila;
3 Ay huwag mong didinggin ang mga salita ng manghuhulang yaon, o ng mapanaginiping yaon ng mga panaginip: sapagka't sinusubok kayo ng Panginoon ninyong Dios, upang maalaman kung iniibig ninyo ang Panginoon ninyong Dios ng inyong buong puso at ng inyong buong kaluluwa.
4 Kayo'y lalakad ayon sa Panginoon ninyong Dios, at matatakot sa kaniya, at gaganap ng kaniyang mga utos, at susunod sa kaniyang tinig at maglilingkod sa kaniya at lalakip sa kaniya.
5 At ang manghuhulang yaon o ang mapanaginiping yaon ng mga panaginip, ay papatayin, sapagka't siya'y nagsalita ng panghihimagsik laban sa Panginoon ninyong Dios na naglabas sa inyo sa lupain ng Egipto, at tumubos sa iyo sa bahay ng pagkaalipin, upang iligaw ka sa daan na iniutos sa iyong lakaran mo ng Panginoon mong Dios. Ganito mo aalisin ang kasamaan sa gitna mo.
6 Kung ang inyong kapatid na lalake, na anak ng iyong ina, o ang iyong anak na lalake o babae, o ang asawa ng iyong sinapupunan, o ang iyong kaibigan, na parang iyong sariling kaluluwa, ay humimok sa iyo ng lihim, na magsabi, Tayo'y yumaon at maglingkod sa ibang mga dios, na hindi mo nakilala, ninyo o ng iyong mga magulang;
7 Sa mga dios ng mga bayan na nasa palibot ninyo na malapit sa iyo, o malayo sa iyo, mula sa isang dulo ng lupa hanggang sa kabilang dulo ng lupa;
8 Ay huwag mong papayagan siya ni didinggin siya; ni huwag mong kahahabagan siya ng iyong mata, ni patatawarin, ni ikukubli:
9 Kundi papatayin mo nga; ang iyong kamay ang mangunguna sa kaniya upang patayin siya, at pagkatapos ay ang kamay ng buong bayan.
10 At iyong babatuhin siya ng mga bato upang siya'y mamatay, sapagka't kaniyang pinagsikapang ihiwalay ka sa Panginoon mong Dios, na naglabas sa iyo sa lupain ng Egipto, sa bahay ng pagkaalipin.
11 At maririnig ng buong Israel, at matatakot, at hindi na gagawa ng anomang kasamaan pa na gaya nito sa gitna mo.
12 Kung iyong maririnig saysayin ang tungkol sa isa sa iyong mga bayan, na ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Dios upang tumahan ka roon, na sasabihin.
13 Ilang hamak na tao ay nagsialis sa gitna mo, at iniligaw ang mga nananahan sa kanilang bayan, na sinasabi, Tayo'y yumaon at maglingkod sa ibang mga dios, na hindi ninyo nangakilala;
14 Ay iyo ngang sisiyasatin at uusisain, at itatanong na mainam; at, narito, kung magkatotoo at ang bagay ay tunay, na nagawa sa gitna mo ang gayong karumaldumal;
15 Iyo ngang susugatan ng talim ng tabak, ang mga nananahan sa bayang yaon, na iyong lubos na lilipulin, at ang lahat na nandoon at ang mga hayop doon ay iyong lilipulin ng talim ng tabak.
16 At iyong titipunin ang buong nasamsam doon, sa gitna ng lansangan niyaon, at iyong susunugin sa apoy ang bayan, at ang buong nasamsam doon, na bawa't putol, ay sa Panginoon mong Dios; at magiging isang bunton ng dumi magpakailan man; hindi na muling matatayo.
17 At huwag kang magsasagi ng bagay na itinalaga sa iyong kamay: upang talikdan ng Panginoon ang kabagsikan ng kaniyang galit, at pagpakitaan ka niya ng kaawaan, at mahabag sa iyo at paramihin ka, na gaya ng isinumpa niya sa iyong mga magulang;
18 Pagka iyong didinggin ang tinig ng Panginoon mong Dios, na iyong gaganapin ang lahat ng kaniyang mga utos na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito, na iyong gagawin ang matuwid sa paningin ng Panginoon mong Dios.