1 Kung may masumpungang pinatay sa lupain na ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Dios upang ariin, na nabubulagta sa parang, at hindi maalaman kung sinong sumugat sa kaniya:
2 Ay lalabas nga ang iyong mga matanda at ang iyong mga hukom, at kanilang susukatin ang layo ng mga bayang nasa palibot ng pinatay:
3 At mangyayari, na ang mga matanda sa bayang yaon, na bayang malapit sa pinatay, ay kukuha ng isang dumalagang baka sa bakahan, na hindi pa nagagamit at hindi pa nakakapagpasan ng pamatok;
4 At ibababa ng mga matanda ang dumalagang baka sa isang libis na may agos ng tubig, na di pa nabubukid, ni nahahasikan, at babaliin ang leeg ng dumalagang baka doon sa libis:
5 At ang mga saserdote na mga anak ni Levi ay lalapit, sapagka't sila ang pinili ng Panginoon mong Dios na mangasiwa sa kaniya, at bumasbas sa pangalan ng Panginoon; at ayon sa kanilang salita ay pasisiyahan ang bawa't pagkakaalit at bawa't awayan:
6 At lahat ng mga matanda sa bayang yaon, na malapit sa pinatay, ay maghuhugas ng kanilang kamay sa ibabaw ng dumalagang baka na binali ang leeg sa libis:
7 At sila'y sasagot at sasabihin, Ang aming kamay ay hindi nagbubo ng dugong ito, ni nakita ng aming mga mata.
8 Patawarin mo, Oh Panginoon, ang iyong bayang Israel, na iyong tinubos, at huwag mong tikising matira sa gitna ng iyong bayang Israel, ang dugong walang sala. At ang dugo'y ipatatawad sa kanila.
9 Gayon mo aalisin ang dugong walang sala sa gitna mo, pagka iyong gagawin ang matuwid sa paningin ng Panginoon.
10 Pagka ikaw ay lalabas upang makipagbaka laban sa iyong mga kaaway, at ibibigay sila ng Panginoon mong Dios sa iyong mga kamay, at dadalhin mo silang bihag,
11 At makakakita ka sa mga bihag ng isang magandang babae, at magkaroon ka ng nasa sa kaniya, at iibigin mo siyang kuning asawa,
12 Ay iyo nga siyang dadalhin sa iyong bahay; at kaniyang aahitan ang kaniyang ulo, at gugupitin ang kaniyang mga kuko;
13 At kaniyang huhubarin ang suot na pagkabihag sa kaniya, at matitira sa iyong bahay, at iiyakan ang kaniyang ama at ang kaniyang ina na isang buong buwan: at pagkatapos noo'y sisiping ka sa kaniya, at ikaw ay magiging asawa niya, at siya'y magiging iyong asawa.
14 At mangyayari, na kung di mo kalugdan siya, ay iyo ngang pababayaan siyang yumaon kung saan niya ibig; nguni't huwag mo siyang ipagbibili ng salapi, huwag mo siyang aalipinin, sapagka't iyong pinangayupapa siya.
15 Kung ang isang lalake ay may dalawang asawa, na ang isa'y sinisinta, at ang isa'y kinapopootan, at kapuwa magkaanak sa kaniya, ang sinisinta at ang kinapopootan; at kung ang maging panganay ay sa kinapopootan:
16 Ay mangyayari nga sa araw na kaniyang pagmanahin ang kaniyang mga anak ng kaniyang tinatangkilik, ay hindi niya magagawang panganay ang anak ng sinisinta na higit kay sa anak ng kinapopootan, na siyang panganay;
17 Kundi kaniyang kikilalaning panganay, ang anak ng kinapopootan sa pamamagitan ng pagbibigay sa kaniya ng dalawang bahagi sa buong kaniyang tinatangkilik; sapagka't siya ang pasimula ng kaniyang lakas; ang karapatan nga ng pagkapanganay ay kaniya.
18 Kung ang isang lalake ay may matigas na loob at mapanghimagsik na anak, na ayaw makinig ng tinig ng kaniyang ama, o ng tinig ng kaniyang ina, at bagaman kanilang parusahan siya ay ayaw makinig sa kanila:
19 Ay hahawakan nga ng kaniyang ama at ng kaniyang ina at dadalhin sa mga matanda sa kaniyang bayan, at sa pintuang-bayan ng kaniyang pook;
20 At kanilang sasabihin sa mga matanda sa kaniyang bayan. Itong aming anak ay matigas na loob at mapanghimagsik, na ayaw niyang dinggin ang aming tinig; siya'y may masamang pamumuhay, at manglalasing.
21 At babatuhin siya ng mga bato, ng lahat ng mga lalake sa kaniyang bayan upang siya'y mamatay: gayon mo aalisin ang kasamaan sa gitna mo; at maririnig ng buong Israel, at matatakot.
22 Kung ang isang lalake ay magkasala ng kasalanang marapat sa kamatayan, at siya'y patayin, at iyong ibitin siya sa isang punong kahoy;
23 Ay huwag maiiwan buong gabi ang kaniyang bangkay sa punong kahoy, kundi walang pagsalang siya'y iyong ililibing sa araw ding yaon; sapagka't ang bitin ay sinumpa ng Dios; upang huwag mong ihawa ang iyong lupa na ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Dios, na ipinamana.