1 Isang tao nga na may-sakit, si Lazaro na taga Betania, na nayon ni Maria at ni Marta na kaniyang kapatid.
2 At ito'y yaong si Maria na nagpahid sa Panginoon ng unguento, at kinuskos ang kaniyang mga paa ng kaniyang mga buhok, na ang kaniyang kapatid na si Lazaro ay may-sakit.
3 Nagpasugo nga sa kaniya ang mga kapatid na babae, na nagsasabi, Panginoon, narito, siya na iyong iniibig ay may-sakit.
4 Nguni't pagkarinig ni Jesus nito, ay sinabi niya, Ang sakit na ito'y hindi sa ikamamatay, kundi sa ikaluluwalhati ng Dios, upang ang Anak ng Dios ay luwalhatiin sa pamamagitan niyaon.
5 Iniibig nga ni Jesus si Marta, at ang kaniyang kapatid na babae, at si Lazaro.
6 Nang mabalitaan nga niya na siya'y may-sakit, siya'y tumahang dalawang araw nang panahong yaon sa dating kinaroroonan niya.
7 Saka pagkatapos nito ay sinabi niya sa mga alagad, Tayo nang muli sa Judea.
8 Sinabi sa kaniya ng mga alagad, Rabi, ngayo'y pinagsisikapang batuhin ka ng mga Judio; at muli kang paroroon doon?
9 Sumagot si Jesus, Hindi baga ang araw ay may labingdalawang oras? Kung ang isang tao'y lumalakad samantalang araw, ay hindi siya natitisod, sapagka't nakikita niya ang ilaw ng sanglibutang ito.
10 Nguni't ang isang taong lumalakad samantalang gabi, ay natitisod siya, sapagka't walang ilaw sa kaniya.
11 Ang mga bagay na ito'y sinalita niya: at pagkatapos nito'y sinabi niya sa kanila, Si Lazaro na ating kaibigan ay natutulog; nguni't ako'y paroroon, upang gisingin ko siya sa pagkakatulog.
12 Sinabi nga ng mga alagad sa kaniya, Panginoon, kung siya'y natutulog, ay siya'y gagaling.
13 Sinalita nga ni Jesus ang tungkol sa kaniyang pagkamatay: datapuwa't sinapantaha nila na ang sinalita ay ang karaniwang pagtulog.
14 Nang magkagayon nga ay sinabi sa kanila ni Jesus ng malinaw, Si Lazaro ay patay.