1 At nang ikatlong araw ay nagkaroon ng isang kasalan sa Cana ng Galilea; at naroon ang ina ni Jesus:
2 At inanyayahan din naman si Jesus, at ang kaniyang mga alagad, sa kasalan.
3 At nang magkulang ng alak, ang ina ni Jesus ay nagsabi sa kaniya, Wala silang alak.
4 At sinabi sa kaniya ni Jesus, Babae, anong pakialam ko sa iyo? ang aking oras ay hindi pa dumarating.
5 Sinabi ng kaniyang ina sa mga alila, Gawin ninyo ang anomang sa inyo'y kaniyang sabihin.
6 Mayroon nga roong anim na tapayang bato na nalalagay alinsunod sa kaugaliang paglilinis ng mga Judio, na naglalaman ang bawa't isa ng dalawa o tatlong bangang tubig.
7 Sinabi sa kanila ni Jesus, Punuin ninyo ng tubig ang mga tapayan. At kanilang pinuno hanggang sa labi.
8 At sinabi niya sa kanila, Kunin ninyo ngayon, at inyong iharap sa pangulo ng kapistahan. At kanilang iniharap.
9 At nang matikman ng pangulo ng kapistahan ang tubig na naging alak nga, at hindi niya nalalaman kung saan buhat (datapuwa't nalalaman ng mga alila na nagsikuha ng tubig), ay tinawag ng pangulo ng kapistahan ang kasintahang lalake,
10 At sinabi sa kaniya, Ang bawa't tao ay unang inilalagay ang mabuting alak; at kung mangakainom nang mabuti ang mga tao, ay saka inilalagay ang pinakamasama: itinira mo ang mabuting alak hanggang ngayon.
11 Ang pasimulang ito ng kaniyang mga tanda ay ginawa ni Jesus sa Cana ng Galilea, at inihayag ang kaniyang kaluwalhatian; at nagsisampalataya sa kaniya ang kaniyang mga alagad.
12 Pagkatapos nito ay lumusong siya sa Capernaum, siya, at ang kaniyang ina, at ang kaniyang mga kapatid, at ang kaniyang mga alagad; at sila'y nangatira roong hindi maraming araw.
13 At malapit na ang paskua ng mga Judio, at umahon si Jesus sa Jerusalem.
14 At nasumpungan niya sa templo yaong nangagbibili ng mga baka at mga tupa at mga kalapati, at ang mga mamamalit ng salapi na nangakaupo:
15 At ginawa niyang isang panghampas ang mga lubid, itinaboy niyang lahat sa templo, ang mga tupa at gayon din ang mga baka; at ibinubo niya ang salapi ng mga mamamalit, at ginulo ang kanilang mga dulang;
16 At sa nangagbibili ng mga kalapati ay sinabi niya, Alisin ninyo rito ang mga bagay na ito; huwag ninyong gawin ang bahay ng aking Ama na bahay-kalakal.
17 Napagalaala ng kaniyang mga alagad na nasusulat, Kakanin ako ng sikap sa iyong bahay.
18 Ang mga Judio nga'y nagsisagot at sa kaniya'y sinabi, Anong tanda ang maipakikita mo sa amin, yamang ginawa mo ang mga bagay na ito?
19 Sumagot si Jesus at sa kanila'y sinabi, Igiba ninyo ang templong ito, at aking itatayo sa tatlong araw.
20 Sinabi nga ng mga Judio, Apat na pu't anim na taon ang pagtatayo ng templong ito, at itatayo sa tatlong araw?
21 Datapuwa't sinasalita niya ang tungkol sa templo ng kaniyang katawan.
22 Nang magbangon na maguli nga siya sa mga patay, ay naalaala ng kaniyang mga alagad na sinalita niya ito; at nagsisampalataya sila sa kasulatan, at sa salitang sinabi ni Jesus.
23 Nang siya nga'y nasa Jerusalem nang paskua, sa loob ng panahon ng kapistahan, ay marami ang mga nagsisampalataya sa kaniyang pangalan, pagkakita ng kaniyang mga tandang ginawa.
24 Datapuwa't si Jesus sa kaniyang sarili ay hindi rin nagkatiwala sa kanila, sapagka't nakikilala niya ang lahat ng mga tao,
25 Sapagka't hindi niya kinakailangan na ang sinoman ay magpatotoo tungkol sa tao; sapagka't nalalaman nga niya ang isinasaloob ng tao.