1 Ganito ang sabi ng Panginoon sa akin, Ikaw ay yumaon at bumili ka ng isang pamigkis na lino, at ibigkis mo sa iyong mga bayawang at huwag mong ilubog sa tubig.
2 Sa gayo'y bumili ako ng pamigkis ayon sa salita ng Panginoon, at inilagay ko sa aking mga bayawang.
3 At ang salita ng Panginoon, ay dumating sa akin na ikalawa, na nagsabi,
4 Kunin mo ang pamigkis na iyong binili, na nasa iyong mga bayawang, at ikaw ay bumangon, yumaon ka sa Eufrates, at ikubli mo roon sa isang bitak ng malaking bato.
5 Sa gayo'y yumaon ako, at ikinubli ko sa tabi ng Eufrates ayon sa iniutos sa akin ng Panginoon.
6 At nangyari, pagkaraan ng maraming araw, na sinabi ng Panginoon sa akin, Ikaw ay bumangon, yumaon ka sa Eufrates, at kunin mo ang pamigkis mula roon, na iniutos ko sa iyong ikubli mo roon.
7 Nang magkagayo'y yumaon ako sa Eufrates, at hinukay ko, at kinuha ko ang pamigkis mula sa dakong aking pinagkublihan; at, narito, ang pamigkis ay bulok, hindi mapapakinabangan sa anoman.
8 Nang magkagayo'y dumating sa akin ang salita ng Panginoon, na nagsasabi.
9 Ganito ang sabi ng Panginoon, Ayon sa paraang ito ay aking sasayangin ang kapalaluan ng Juda, at ang malaking kapalaluan ng Jerusalem.
10 Ang masamang bayang ito, na ayaw makinig ng mga salita ko, na lumalakad ayon sa katigasan ng kanilang puso, at yumaong sumunod sa ibang mga Dios upang paglingkuran, at upang sambahin, ay magiging gaya ng pamigkis na ito, na hindi mapapakinabangan sa anoman.
11 Sapagka't kung paanong ang pamigkis ay kumakapit sa mga balakang ng lalake, gayon pinakapit ko sa akin ang buong sangbahayan ni Israel at ang buong sangbahayan ni Juda, sabi ng Panginoon; upang sila'y maging pinakabayan sa akin, at pinakapangalan, at pinakapuri, at pinakaluwalhati: nguni't hindi nila dininig.
12 Kaya't sasalitain mo sa kanila ang salitang ito. Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel, Bawa't sisidlang balat ay mapupuno ng alak: at kanilang sasabihin sa iyo, Hindi baga namin nalalaman na ang bawa't sisidlang balat ay mapupuno ng alak?
13 Kung magkagayo'y sasabihin mo sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoon, Narito, aking pupunuin ng pagkalango ang lahat na mananahan sa lupaing ito, ang mga hari na nakaupo sa luklukan ni David, at ang mga saserdote at ang mga propeta, at ang lahat na nananahan sa Jerusalem.
14 At aking itutulak ang isa laban sa isa, sa makatuwid baga'y ang mga magulang at ang mga anak na magkakasama, sabi ng Panginoon: hindi ako magpapatawad, o maaawa man, o mahahabag man, na sila'y lilipulin ko.
15 Inyong dinggin, at kayo'y mangakinig; Huwag kayong mangagpalalo; sapagka't sinalita ng Panginoon.
16 Luwalhatiin ninyo ang Panginoon ninyong Dios, bago siya magpadilim, at bago matisod ang inyong mga paa sa mga madilim na bundok, at, habang kayo'y nangaghihintay ng liwanag, ay kaniyang gagawing lilim ng kamatayan, at papagsasalimuutin niya ang kadiliman.
17 Nguni't kung hindi ninyo didinggin, ako'y iiyak, na lihim dahil sa inyong kapalaluan; at ang mata ko ay iiyak na mainam, at dadaluyan ng mga luha, sapagka't ang kawan ng Panginoon ay nabihag.
18 Iyong sabihin sa hari at sa ina ng hari, Kayo'y mangagpapakababa, magsiupo kayo; sapagka't ang inyong mga kagayakan ng ulo ay nalagpak, ang putong ng inyong kaluwalhatian.
19 Ang mga bayan ng Timugan ay nasarhan, at walang mangagbukas: ang buong Juda ay nadalang bihag; buong nadalang bihag.
20 Inyong itanaw ang inyong mga mata, at inyong masdan sila na nanganggagaling sa hilagaan: saan nandoon ang kawan na nabigay sa iyo, ang iyong magandang kawan?
21 Ano ang iyong sasabihin pagka kaniyang inilagay ang iyong mga kaibigan na pinakapangulo mo, na wari iyong tinuruan sila laban sa iyo? hindi baga mamamanglaw ka, ng parang isang babae na nagdaramdam?
22 At kung iyong sabihin sa puso, Bakit ang mga bagay na ito ay dumating sa akin? dahil sa kalakhan ng iyong kasamaan ay nalilis ang iyong mga laylayan, at iyong mga sakong ay nagtiis ng karahasan.
23 Makapagbabago baga ang Etiope ng kaniyang balat, o ang leopardo ng kaniyang batik? kung magkagayo'y mangakagagawa naman kayo ng mabuti, na mga bihasang gumawa ng masama.
24 Kaya't aking pangangalatin sila, gaya ng dayami na dumaraan, sa pamamagitan ng hangin sa ilang.
25 Ito ang iyong kapalaran, ang bahaging sukat sa iyo na mula sa akin, sabi ng Panginoon; sapagka't iyong nilimot ako, at tumiwala ka sa kabulaanan.
26 Kaya't akin namang ililihis ang iyong mga laylayan sa harap ng iyong mukha, at ang iyong kahihiyan ay malilitaw.
27 Aking nakita ang iyong mga kasuklamsuklam na gawa, sa makatuwid baga'y ang iyong mga pangangalunya, at ang iyong mga paghalinghing, ang kahalayan ng iyong pakikiapid, sa mga burol sa parang. Sa aba mo, Oh Jerusalem! ikaw ay hindi malilinis; hanggang kailan pa magkakaganyan?