1 Ang salita na dumating kay Jeremias mula sa Panginoon, na nagsasabi,
2 Ikaw ay bumangon, at bumaba sa bahay ng magpapalyok, at aking iparirinig sa iyo ang aking mga salita roon.
3 Nang magkagayo'y bumaba ako sa bahay ng magpapalyok, at, narito, siya'y gumagawa ng kaniyang gawa sa pamamagitan ng mga gulong.
4 At nang mabasag sa kamay ng magpapalyok ang sisidlang putik na kaniyang ginagawa, ay gumawa siya uli ng ibang sisidlan, na minagaling na gawin ng magpapalyok.
5 Nang magkagayo'y dumating sa akin ang salita ng Panginoon, na nagsasabi,
6 Oh sangbahayan ni Israel, hindi baga ako makagagawa sa inyo na gaya ng paggawa ng magpapalyok na ito? sabi ng Panginoon. Narito, kung paano ang putik sa kamay ng magpapalyok, gayon kayo sa kamay ko, Oh sangbahayan ni Israel.
7 Sa anomang sandali ay magsasalita ako ng tungkol sa isang bansa, at tungkol sa isang kaharian, upang bunutin at upang ibagsak at upang lipulin;
8 Kung ang bansang yaon, na aking pinagsalitaan, ay humiwalay sa kanilang kasamaan, ako'y magsisisi sa kasamaan na aking inisip gawin sa kanila.
9 At sa anomang sangdali ay magsasalita ako ng tungkol sa isang bansa, at tungkol sa isang kaharian, upang itayo at upang itatag;
10 Kung gumawa ng kasamaan sa aking paningin, na hindi sundin ang aking tinig, ay pagsisisihan ko nga ang kabutihan, na aking ipinagsabing pakikinabangan nila.
11 Ngayon nga, salitain mo sa mga tao sa Juda, at sa mga nananahan sa Jerusalem, na iyong sabihin, Ganito ang sabi ng Panginoon, Narito, ako'y humahaka ng kasamaan laban sa inyo, at kumatha ng katha-katha laban sa inyo: manumbalik bawa't isa sa inyo mula sa kanikaniyang masamang lakad, at inyong pabutihin ang inyong mga lakad at ang inyong mga gawa.
12 Nguni't kanilang sinabi, Walang pagasa; sapagka't kami ay magsisisunod sa aming sariling mga katha-katha, at magsisigawa bawa't isa sa amin ng ayon sa katigasan ng kanikaniyang masamang puso.
13 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon, Inyong itanong nga sa mga bansa, kung sinong nakarinig ng ganiyang mga bagay? ang dalaga ng Israel ay gumawa ng totoong kakilakilabot na bagay.
14 Magkukulang baga ng niebe sa Lebano sa bato sa parang? ang malamig na tubig na umaagos mula sa malayo ay matutuyo baga?
15 Sapagka't kinalimutan ako ng aking bayan, sila'y nangagsunog ng kamangyan sa mga diosdiosan; at sila'y nangatisod sa kanilang mga lakad, sa mga dating landas, at pinalalakad sa mga lana, sa daan na hindi patag;
16 Upang gawin ang kanilang lupain na isang katigilan, at walang hanggang kasutsutan; lahat na nangagdadaan doon ay mangatitigilan, at mangaggagalaw ng ulo.
17 Aking pangangalatin sila na parang hanging silanganan sa harap ng kaaway; tatalikuran ko sila, at hindi ko haharapin, sa kaarawan ng kanilang kasakunaan,
18 Nang magkagayo'y sinabi nila, Kayo'y magsiparito, at tayo'y magsikatha ng mga katha-katha laban kay Jeremias; sapagka't ang kautusan ay hindi mawawala sa saserdote, o ang payo man sa pantas, o ang salita man sa propeta. Kayo'y magsiparito, at ating saktan siya ng dila, at huwag nating pansinin ang kaniyang mga salita.
19 Pakinggan mo ako, Oh Panginoon, at ulinigin mo ang tinig nila na nakikipagtalo sa akin.
20 Igaganti baga'y kasamaan sa kabutihan? sapagka't sila'y nagsihukay ng hukay para sa akin. Iyong alalahanin kung paanong ako'y tumayo sa harap mo, upang magsalita ng mabuti para sa kanila, upang ihiwalay ang iyong kapusukan sa kanila.
21 Kaya't ibigay mo ang kanilang mga anak sa kagutom, at ibigay mo sila sa kapangyarihan ng tabak; at ang kanilang mga asawa ay mawalan ng anak, at mga bao; at ang kanilang mga lalake ay mangapatay sa patayan, at ang kanilang mga binata ay masugatan ng tabak sa pagbabaka.
22 Makarinig nawa ng daing mula sa kanilang mga bahay, pagka ikaw ay biglang magdadala ng hukbo sa kanila; sapagka't sila'y nagsihukay ng hukay upang hulihin ako, at ipinagkubli ng mga silo ang aking mga paa.
23 Gayon man, Panginoon, iyong talastas ang lahat nilang payo laban sa akin upang patayin ako; huwag mong ipatawad ang kanilang kasamaan, o pawiin mo man ang kanilang kasalanan sa iyong paningin; kundi sila'y mangatisod sa harap mo; parusahan mo sila sa kaarawan ng iyong galit.