1 Ang salita na dumating kay Jeremias tungkol sa buong bayan ng Juda nang ikaapat na taon ni Joacim na anak ni Josias, na hari sa Juda (siya ring unang taon ni Nabucodonosor na hari sa Babilonia),
2 Na siyang sinalita ni Jeremias na propeta sa buong bayan ng Juda, at sa lahat ng nananahan sa Jerusalem, na sinasabi,
3 Mula nang ikalabing tatlong taon ni Josias na anak ni Ammon, na hari sa Juda, hanggang sa araw na ito, nitong dalawang pu't tatlong taon, ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, at aking sinalita sa inyo na ako'y bumangong maaga, at nagsalita; nguni't hindi ninyo dininig.
4 At sinugo ng Panginoon sa inyo ang lahat niyang lingkod na mga propeta na gumising na maaga, at sinugo sila (nguni't hindi ninyo dininig, o ikiniling man ninyo ang inyong pakinig upang mangakinig),
5 Na nangagsasabi, Magsihiwalay bawa't isa sa inyo sa kanikaniyang masamang lakad, at sa kasamaan ng inyong mga gawa, at kayo'y magsitahan sa lupain na ibinigay ng Panginoon sa inyo at sa inyong mga magulang, mula nang una at hanggang sa magpakailan pa man;
6 At huwag kayong magsisunod sa ibang mga dios na mangaglingkod sa kanila, at magsisamba sa kanila, at huwag ninyo akong mungkahiin sa galit ng gawa ng inyong mga kamay, at hindi ko kayo sasaktan.
7 Gayon ma'y hindi kayo nangakinig sa akin, sabi ng Panginoon; upang mungkahiin ninyo ako sa galit, ng gawa ng inyong mga kamay sa inyong sariling ikapapahamak.
8 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, Sapagka't hindi ninyo dininig ang aking mga salita,
9 Narito, ako'y magsusugo at kukunin ko ang lahat na angkan sa hilagaan, sabi ng Panginoon, at ako'y magsusugo kay Nabucodonosor na hari sa Babilonia, na aking lingkod, at aking dadalhin sila laban sa lupaing ito, at laban sa mga nananahan dito, at laban sa lahat ng bansang ito sa palibot; at aking lubos na lilipulin sila, at gagawin ko silang katigilan, at kasutsutan, at mga walang hanggang kagibaan.
10 Bukod dito'y aalisin ko sa kanila ang tinig ng kalayawan at ang tinig ng kasayahan, ang tinig ng kasintahang lalaki at ang tinig ng kasintahang babae, ang tunog ng mga batong gilingan, at ang liwanag ng ilawan.
11 At ang buong lupaing ito ay magiging sira, at katigilan; at ang mga bansang ito ay maglilingkod sa hari sa Babilonia na pitong pung taon.
12 At mangyayari, pagkaganap ng pitong pung taon, na aking parurusahan ang hari sa Babilonia, at ang bansang yaon, sabi ng Panginoon, dahil sa kaniyang kasamaan, at ang lupain ng mga Caldeo; at aking gagawing sira magpakailan man.
13 At aking gaganapin sa lupaing yaon ang lahat na aking salita na aking sinalita laban doon, lahat ng nakasulat sa aklat na ito, na inihula ni Jeremias laban sa lahat na bansa.
14 Sapagka't maraming bansa at mga dakilang hari ay paglilingkuran nila, nila nga; at gagantihan ko sila ayon sa kanilang mga kilos, at ayon sa gawa ng kanilang mga kamay.
15 Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel, sa akin, Abutin mo itong saro ng alak ng kapusukan sa aking kamay, at painumin mo ang lahat na bansa na pinagsuguan ko sa iyo.
16 At sila'y magsisiinom, at magsisihapay na paroo't parito, na mangauulol, dahil sa tabak na aking pasasapitin sa kanila.
17 Nang magkagayo'y inabot ko ang saro sa kamay ng Panginoon, at pinainom ko ang lahat na bansang pinagsuguan ng Panginoon:
18 Sa makatuwid, ang Jerusalem, at ang mga bayan ng Juda, at ang mga hari niyaon, at ang mga prinsipe niyaon, upang gawin silang kagibaan, katigilan, kasutsutan, at sumpa; gaya sa araw na ito;
19 Si Faraong hari sa Egipto, at ang kaniyang mga lingkod, at ang kaniyang mga prinsipe, at ang buong bayan niya;
20 At ang lahat ng halohalong bayan, at ang lahat ng hari sa lupain ng Hus, at ang lahat ng hari sa lupain ng mga Filisteo, at ang Ascalon, at ang Gaza, at ang Ecron, at ang nalabi sa Asdod;
21 Ang Edom, at ang Moab, at ang mga anak ni Ammon;
22 At ang lahat ng hari sa Tiro, at ang lahat ng hari sa Sidon, at ang hari sa pulo na nasa dako roon ng dagat;
23 Ang Dedan, at ang Tema, at ang Buz, at ang lahat ng magsisiputol ng mga laylayan ng kanilang buhok;
24 At ang lahat ng hari sa Arabia, at ang lahat ng hari sa halohalong bayan na nagsisitahan sa ilang;
25 At ang lahat ng hari sa Zimri, at ang lahat ng hari sa Elam, at ang lahat ng hari ng mga Medo;
26 At ang lahat ng hari sa hilagaan, malayo't malapit na isa't isa; at ang lahat ng kaharian sa sanglibutan, na nangasa ibabaw ng lupa: at ang hari sa Sesach ay magsisiinom pagkatapos nila.
27 At iyong sasabihin sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Dios ng Israel, Kayo'y magsiinom, at kayo'y mangagpakalasing, at kayo'y magsisuka, at mangabuwal, at huwag na kayong magsibangon, dahil sa tabak na aking pasasapitin sa inyo.
28 At mangyayari, kung tanggihan nilang abutin ang saro sa iyong kamay upang inuman, sasabihin mo nga sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, Kayo'y walang pagsalang magsisiinom.
29 Sapagka't, narito, ako'y nagpapasimulang gumawa ng kasamaan sa bayang tinawag sa aking pangalan, at kayo baga'y lubos na hindi mapaparusahan? Kayo'y walang pagsalang parurusahan; sapagka't aking tatawagin ang tabak laban sa lahat ng nananahan sa lupa, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.
30 Kaya't ihula mo laban sa kanila ang lahat ng mga salitang ito, at sabihin mo sa kanila, Ang Panginoon ay uungol mula sa itaas, at ilalakas ang kaniyang tinig mula sa kaniyang banal na tahanan; siya'y uungol ng malakas laban sa kaniyang kulungan; siya'y hihiyaw, gaya nila na magsisiyapak ng ubas, laban sa lahat na nananahan sa lupa.
31 Ang ingay ay darating hanggang sa wakas ng lupa; sapagka't ang Panginoon ay may pakikipagpunyagi sa mga bansa, siya'y papasok sa paghatol sa lahat ng tao; tungkol sa masasama ay kaniyang ibibigay sila sa tabak, sabi ng Panginoon.
32 Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, Narito, kasamaan ay mangyayari sa bansa at bansa, at malakas na bagyo ay ibabangon mula sa kahulihulihang bahagi ng lupa.
33 At ang mapapatay ng Panginoon sa araw na yao'y magiging mula sa isang dulo ng lupa hanggang sa kabilang dulo ng lupa: sila'y hindi tataghuyan, o dadamputin man, o ililibing man; sila'y magiging dumi sa ibabaw ng lupa.
34 Kayo'y magsiangal, kayong mga pastor, at kayo'y magsihiyaw; at kayo'y mangagsigumon sa abo, kayong pinakamainam sa kawan; sapagka't ang mga kaarawan ng pagpatay at ang pangangalat sa inyo ay lubos na dumating, at kayo'y mangababagsak na parang mainam na sisidlan.
35 At ang mga pastor ay walang daang tatakasan, o tatanan man ang pinakamainam sa kawan.
36 Tinig ng hiyaw ng mga pastor, at ng angal ng pinakamainam sa kawan! sapagka't inilalagay ng Panginoon na sira ang kanilang pastulan.
37 At ang mga payapang tahanan ay nangadala sa katahimikan dahil sa mabangis na galit ng Panginoon.
38 Kaniyang pinabayaan ang kaniyang kublihan na gaya ng leon; sapagka't ang kanilang lupain ay naging katigilan dahil sa kabangisan ng mamimighating tabak, at dahil sa kaniyang mabangis na kagalitan.