12 Nguni't saan masusumpungan ang karunungan? At saan naroon ang dako ng pagkaunawa?

13 Hindi nalalaman ng tao ang halaga niyaon; ni nasusumpungan man sa lupain ng may buhay.

14 Sinasabi ng kalaliman. Wala sa akin: at sinasabi ng dagat: Hindi sumasaakin.

15 Hindi mabibili ng ginto, ni matitimbangan man ng pilak ang halaga niyaon.

16 Hindi mahahalagahan ng ginto sa Ophir, ng mahalagang onix, o ng zafiro.

17 Ginto at salamin ay hindi maihahalintulad doon: ni maipagpapalit man sa mga hiyas na dalisay na ginto.

18 Hindi mabibilang ang coral o ang cristal; Oo, ang halaga ng karunungan ay higit sa mga rubi.

19 Ang topacio sa Etiopia ay hindi maipapantay doon, ni mahahalagahan man ng dalisay na ginto.

20 Saan nanggagaling nga ang karunungan? At saan naroon ang dako ng pagkaunawa?

21 Palibhasa't nakukubli sa mga mata ng lahat na may buhay, at natatago sa mga ibon sa himpapawid.

22 Ang kapahamakan at ang kamatayan ay nagsasabi, narinig namin ng aming mga pakinig ang bulungbulungan niyaon.