1 Samantalang nangagkakatipon ang libolibong tao, na ano pa't nagkakayapakan silasila, ay nagpasimula siyang magsalita muna sa kaniyang mga alagad, Mangagingat kayo sa lebadura ng mga Fariseo, na ito'y pagpapaimbabaw nga.
2 Datapuwa't walang bagay na natatakpan, na hindi mahahayag: at natatago, na hindi malalaman.
3 Kaya nga, ang anomang sinabi ninyo sa kadiliman ay maririnig sa kaliwanagan, at ang sinalita ninyo sa bulong sa mga silid, ay ipagsisigawan sa mga bubungan.
4 At sinasabi ko sa inyo mga kaibigan ko, Huwag kayong mangatakot sa mga pumapatay ng katawan, na pagkatapos niyan ay wala na silang magagawa.
5 Datapuwa't ipinagpapauna ko sa inyo kung sino ang inyong katatakutan: Katakutan ninyo yaong pagkatapos na pumatay, ay may kapangyarihang magbulid sa impierno; tunay, sinasabi ko sa inyo, Siya ninyong katakutan.
6 Hindi baga ipinagbibili ang limang maya sa dalawang beles? at isa man sa kanila ay hindi nalilimutan sa paningin ng Dios.
7 Datapuwa't maging ang mga buhok ng inyong ulo ay pawang bilang na lahat. Huwag kayong mangatakot: kayo'y lalong mahalaga kay sa maraming maya.
8 At sinasabi ko sa inyo, Ang bawa't kumikilala sa akin sa harap ng mga tao, ay kikilalanin naman siya ng Anak ng tao sa harap ng mga anghel ng Dios:
9 Datapuwa't ang magkaila sa akin sa harap ng mga tao, ay ikakaila sa harap ng mga anghel ng Dios.
10 Ang bawa't magsalita ng salitang laban sa Anak ng tao ay patatawarin: nguni't ang magsalita ng kapusungan laban sa Espiritu Santo ay hindi patatawarin.
11 At pagka kayo'y dadalhin sa harap ng mga sinagoga, at sa mga pinuno, at sa mga may kapamahalaan, ay huwag kayong mangabalisa kung paano o ano ang inyong isasagot, o kung ano ang inyong sasabihin:
12 Sapagka't ituturo sa inyo ng Espiritu Santo sa oras ding yaon ang inyong dapat sabihin.
13 At sinabi sa kaniya ng isa sa karamihan, Guro, iutos mo sa aking kapatid na bahaginan ako ng mana.
14 Datapuwa't sinabi niya sa kaniya, Lalake, sino ang gumawa sa aking hukom o tagapamahagi sa inyo?
15 At sinabi niya sa kanila, Mangagmasid kayo, at kayo'y mangagingat sa lahat ng kasakiman: sapagka't ang buhay ng tao ay hindi sa kasaganaan ng mga bagay na tinatangkilik niya.
16 At nagsaysay siya sa kanila ng isang talinghaga, na sinasabi, Ang lupa ng isang taong mayaman ay namumunga ng sagana:
17 At iniisip niya sa sarili na sinasabi, Ano ang gagawin ko, sapagka't wala akong mapaglalagyan ng aking mga inaning bunga?
18 At sinabi niya, Ito ang gagawin ko: igigiba ko ang aking mga bangan, at gagawa ako ng lalong malalaki; at doon ko ilalagay ang lahat ng aking butil at aking mga pag-aari.
19 At sasabihin ko sa aking kaluluwa, Kaluluwa, marami ka nang pag-aaring nakakamalig para sa maraming taon; magpahingalay ka, kumain ka, uminom ka, matuwa ka.
20 Datapuwa't sinabi sa kaniya ng Dios, Ikaw na haling, hihingin sa iyo sa gabing ito ang iyong kaluluwa; at ang mga bagay na inihanda mo, ay mapapa sa kanino kaya?
21 Gayon nga ang nagpapakayaman sa ganang kaniyang sarili, at hindi mayaman sa Dios.
22 At sinabi niya sa kaniyang mga alagad, Kaya nga sinasabi ko sa inyo, Huwag kayong mangabalisa sa inyong pamumuhay, kung ano ang inyong kakanin; kahit sa inyong katawan, kung ano ang inyong daramtin.
23 Sapagka't ang buhay ay higit kay sa pagkain, at ang katawan kay sa damit.
24 Wariin ninyo ang mga uwak, na hindi sila nangaghahasik, ni nagsisigapas man; na walang bangan ni kamalig man; at sila'y pinakakain ng Dios: gaano ang kahigtan ng kahalagahan ninyo kay sa mga ibon!
25 At sino sa inyo ang sa pagkabalisa ay makapagdaragdag ng isang siko sa sukat ng kaniyang buhay?
26 Kung hindi nga ninyo magawa kahit ang lalong maliit, bakit nangababalisa kayo tungkol sa mga ibang bagay?
27 Wariin ninyo ang mga lirio, kung paano silang nagsisilaki: hindi nangagpapagal, o nangagsusulid man; gayon ma'y sinasabi ko sa inyo, Kahit si Salomon man, sa buong kaluwalhatian niya, ay hindi nakapaggayak na gaya ng isa sa mga ito.
28 Nguni't kung pinararamtan ng Dios ng ganito ang damo sa parang, na ngayon ay buhay, at sa kinabukasan ay iginagatong sa kalan; gaano pa kaya kayo na di niya pararamtan, Oh kayong mga kakaunti ang pananampalataya?
29 At huwag ninyong pagsikapan kung ano ang inyong kakanin, at kung ano ang inyong iinumin, o huwag man kayo'y mapagalinlangang pagiisip.
30 Sapagka't ang lahat ng mga bagay na ito ay siyang pinaghahanap ng mga bansa sa sanglibutan: datapuwa't talastas ng inyong Ama na inyong kinakailangan ang mga bagay na ito.
31 Gayon ma'y hanapin ninyo ang kaniyang kaharian, at idaragdag sa inyo ang mga bagay na ito.
32 Huwag kayong mangatakot, munting kawan; sapagka't nakalulugod na mainam sa inyong Ama ang sa inyo'y ibigay ang kaharian.
33 Ipagbili ninyo ang inyong mga tinatangkilik, at kayo'y mangaglimos; magsigawa kayo sa ganang inyo ng mga supot na hindi nangaluluma, isang kayamanan sa langit na hindi nagkukulang, na doo'y hindi lumalapit ang magnanakaw, o naninira man ang tanga.
34 Sapagka't kung saan naroroon ang inyong kayamanan, ay doroon naman ang inyong puso.
35 Bigkisan ninyo ang inyong mga baywang, at paningasan ang inyong mga ilawan;
36 At magsitulad kayo sa mga taong nangaghihintay sa kanilang panginoon kung siya'y bumalik na galing sa kasalan; upang kung siya'y dumating at tumuktok, pagdaka'y mabuksan nila siya.
37 Mapapalad yaong mga alipin na kung dumating ang panginoon ay maratnang nangagpupuyat: katotohanang sinasabi ko sa inyo na siya'y magbibigkis sa sarili, at sila'y pauupuin sa dulang, at lalapit at sila'y paglilingkuran niya.
38 At kung siya'y dumating sa ikalawang pagpupuyat, o sa ikatlo, at masumpungan sila sa gayon, ay mapapalad ang mga aliping yaon.
39 Datapuwa't talastasin ninyo ito na kung nalalaman lamang ng puno ng sangbahayan kung anong oras darating ang magnanakaw, siya'y magpupuyat, at hindi pababayaang sirain ang kaniyang bahay.
40 Kayo rin naman ay mangagsihanda: sapagka't sa oras na hindi ninyo iniisip, ang Anak ng tao ay darating.
41 At sinabi ni Pedro, Panginoon, sinasabi mo baga ang talinghagang ito sa amin, o sa lahat naman?
42 At sinabi ng Panginoon, Sino nga baga ang katiwalang tapat at matalino, na pagkakatiwalaan ng kaniyang panginoon ng kaniyang sangbahayan, upang sila'y bigyan ng kanilang bahagi na pagkain sa kapanahunan?
43 Mapalad ang aliping yaon, na kung dumating ang kaniyang panginoon ay maratnang gayon ang ginagawa niya.
44 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, na sa kaniya'y ipagkakatiwala ang lahat niyang pag-aari.
45 Datapuwa't kung sabihin ng aliping yaon sa kaniyang puso, Maluluwatan ang pagdating ng aking panginoon; at magpasimulang bugbugin ang mga aliping lalake at ang mga aliping babae, at kumain at uminom, at maglasing;
46 Ang panginoon ng aliping yaon ay darating sa araw na di niya hinihintay, at sa oras na hindi niya nalalaman, at siya'y babaakin, at isasama ang kaniyang bahagi sa mga di tapat.
47 At yaong aliping nakaaalam ng kalooban ng kaniyang panginoon, at hindi naghanda, at hindi gumawa ng alinsunod sa kaniyang kalooban ay papaluin ng marami;
48 Datapuwa't ang hindi nakaaalam, at gumawa ng mga bagay na karapatdapat sa mga palo, ay papaluin ng kaunti. At sa sinomang binigyan ng marami ay marami ang hihingin sa kaniya: at sa sinomang pinagkatiwalaan ng marami ay lalo nang marami ang hihingin sa kaniya.
49 Ako'y naparito upang maglagay ng apoy sa lupa; at ano pa ang iibigin ko, kung magningas na?
50 Datapuwa't ako'y may isang bautismo upang ibautismo sa akin; at gaano ang aking kagipitan hanggang sa ito'y maganap?
51 Inaakala baga ninyo na ako'y naparito upang magbigay ng kapayapaan sa lupa? Sinasabi ko sa inyo, Hindi, kundi bagkus pagkakabahabahagi:
52 Sapagka't mula ngayon ay magkakabahabahagi ang lima sa isang bahay, tatlo laban sa dalawa, at dalawa laban sa tatlo.
53 Sila'y mangagkakabahabahagi, ang ama'y laban sa anak na lalake, at ang anak na lalake ay laban sa ama; ang ina'y laban sa anak na babae, at ang anak na babae ay laban sa kaniyang ina; ang biyanang babae ay laban sa kaniyang manugang na babae, at ang manugang na babae ay laban sa kaniyang biyanang babae.
54 At sinabi rin naman niya sa mga karamihan, Pagka nakikita ninyong bumangon sa kalunuran ang isang alapaap, ay agad ninyong sinasabi, Uulan; at gayon ang nangyayari.
55 At kung humihihip ang hanging timugan, ay sinasabi ninyo, Iinit na maigi; at ito'y nangyayari.
56 Kayong mga mapagpaimbabaw! marunong kayong mangagpaaninaw ng anyo ng lupa at ng langit; datapuwa't bakit di ninyo nalalamang ipaaninaw ang panahong ito?
57 At bakit naman hindi ninyo hatulan sa inyong sarili kung alin ang matuwid?
58 Sapagka't samantalang pumaparoon ka sa hukom na kasama mo ang iyong kaalit, ay sikapin mo sa daan na makaligtas ka sa kaniya; baka sakaling kaladkarin ka niya sa hukom, at ibigay ka ng hukom sa punong kawal at ipasok ka ng punong kawal sa bilangguan.
59 Sinasabi ko sa iyo, Hindi ka lalabas doon sa anomang paraan, hanggang sa mabayaran mo ang katapustapusang lepta.