1 At sinabi niya sa kaniyang mga alagad Hindi mangyayari na di dumating ang mga kadahilanan ng pagkakatisod; datapuwa't sa aba niyaong pinanggalingan.
2 Mabuti pa sa kaniya kung bitinan ang kaniyang leeg ng isang gilingang bato, at siya'y ihagis sa dagat, kay sa siya'y magpatisod sa isa sa maliliit na ito.
3 Mangagingat kayo sa inyong sarili: kung magkasala ang iyong kapatid, sawayin mo siya; at kung siya'y magsisi, patawarin mo siya.
4 At kung siya'y makapitong magkasala sa isang araw laban sa iyo, at makapitong magbalik sa iyo na sasabihin, Pinagsisisihan ko; patawarin mo siya.
5 At sinabi ng mga apostol sa Panginoon, Dagdagan mo ang pananampalataya namin.
6 At sinabi ng Panginoon, Kung mangagkaroon kayo ng pananampalataya na kasing laki ng isang butil ng binhi ng mostasa, sasabihin ninyo sa puno ng sikomorong ito, Mabunot ka, at matanim ka sa dagat; at kayo'y tatalimahin.
7 Datapuwa't sino sa inyo, ang may isang aliping nagaararo o nagaalaga ng mga tupa, na pagbabalik niyang galing sa bukid ay magsasabi sa kaniya, Parito ka agad at maupo ka sa dulang ng pagkain;
8 At hindi sasabihin sa kaniya, Ipaghanda mo ako ng mahahapunan, at magbigkis ka, at paglingkuran mo ako, hanggang sa ako'y makakain at makainom; at saka ka kumain at uminom?
9 Nagpapasalamat baga siya sa alipin sapagka't ginawa ang iniutos sa kaniya?
10 Gayon din naman kayo, pagka nangagawa na ninyo ang lahat ng mga bagay na sa inyo'y iniutos, inyong sabihin, Mga aliping walang kabuluhan kami; ginawa namin ang katungkulan naming gawin.
11 At nangyari, na samantalang sila'y napapatungo sa Jerusalem, na siya'y nagdaraan sa mga hangganan ng Samaria at Galilea.
12 At sa pagpasok niya sa isang nayon, ay sinalubong siya ng sangpung lalaking ketongin, na nagsitigil sa malayo:
13 At sila'y nagsisigaw na nagsisipagsabi, Jesus, Guro, maawa ka sa amin.
14 At pagkakita niya sa kanila, ay sinabi niya sa kanila, Magsihayo kayo at kayo'y pakita sa mga saserdote. At nangyari, na samantalang sila'y nagsisiparoon, ay nangalinis sila.
15 At isa sa kanila, nang makita niyang siya'y gumaling, ay nagbalik, na niluluwalhati ang Dios ng malakas na tinig;
16 At siya'y nagpatirapa sa kaniyang paanan, na nagpapasalamat sa kaniya: at siya'y isang Samaritano.
17 At pagsagot ni Jesus ay nagsabi, Hindi baga sangpu ang nagsilinis? datapuwa't saan nangaroon ang siyam?
18 Walang nagbalik upang lumuwalhati sa Dios, kundi itong taga ibang lupa?
19 At sinabi niya sa kaniya, Magtindig ka, at yumaon ka sa iyong lakad: pinagaling ka ng iyong pananampalataya.
20 At palibhasa'y tinanong siya ng mga Fariseo, kung kailan darating ang kaharian ng Dios, ay sinagot niya sila at sinabi, Ang kaharian ng Dios ay hindi paririto na mapagkikita:
21 Ni sasabihin man nila, Naririto! o Naririyan! sapagka't narito, ang kaharian ng Dios ay nasa loob ninyo.
22 At sinabi niya sa mga alagad, Darating ang mga araw, na hahangarin ninyong makita ang isa sa mga araw ng Anak ng tao, at hindi ninyo makikita.
23 At sasabihin nila sa inyo, Naririyan! Naririto! huwag kayong magsisiparoon, ni magsisisisunod man sa kanila:
24 Sapagka't gaya ng kidlat, na pagkislap buhat sa isang panig ng silong ng langit, ay nagliliwanag hanggang sa kabilang panig ng silong ng langit; gayon din naman ang Anak ng tao sa kaniyang kaarawan.
25 Datapuwa't kailangan muna siyang magbata ng maraming bagay at itakuwil ng lahing ito.
26 At kung paano ang nangyari sa mga kaarawan ni Noe, ay gayon din naman ang mangyayari sa mga kaarawan ng Anak ng tao.
27 Sila'y nagsisikain, sila'y nagsisiinom, sila'y nangagaasawa, at sila'y pinapagaasawa, hanggang sa araw na pumasok sa daong si Noe, at dumating ang paggunaw, at nilipol silang lahat.
28 Gayon din naman kung paano ang nangyari sa mga kaarawan ni Lot; sila'y nagsisikain, sila'y nagsisiinom, sila'y nagsisibili, sila'y nangagbibili, sila'y nangagtatanim, sila'y nangagtatayo ng bahay.
29 Datapuwa't nang araw na umalis sa Sodoma si Lot, ay umulan mula sa langit ng apoy at asupre, at nilipol silang lahat:
30 Gayon din naman ang mangyayari sa araw na ang Anak ng tao ay mahayag.
31 Sa araw na yaon, ang mapapasa bubungan, at nasa bahay ng kaniyang mga pag-aari, ay huwag silang manaog upang kunin: at ang nasa bukid ay gayon din, huwag siyang umuwi.
32 Alalahanin ninyo ang asawa ni Lot.
33 Sinomang nagsisikap ingatan ang kaniyang buhay ay mawawalan nito: datapuwa't ang sinomang mawalan ng kaniyang buhay ay maiingatan yaon.
34 Sinasabi ko sa inyo, Sa gabing yaon ay dalawang lalake ang sasa isang higaan; ang isa'y kukunin, at ang isa'y iiwan.
35 Magkasamang gigiling ang dalawang babae; kukunin ang isa, at ang isa'y iiwan.
36 Mapapasa bukid ang dalawang lalake; ang isa'y kukunin at ang isa'y iiwan.
37 At pagsagot nila ay sinabi sa kaniya, Saan, Panginoon? At sinabi niya sa kanila, Kung saan naroon ang bangkay ay doon din naman magkakatipon ang mga uwak.