1 At siya'y pumasok at nagdaan sa Jerico.
2 At narito, isang lalake na tinatawag sa pangalang Zaqueo; at siya'y isang puno ng mga maniningil ng buwis, at siya'y mayaman.
3 At pinagpipilitan niyang makita si Jesus kung sino kaya siya; at hindi mangyari, dahil sa maraming tao, sapagka't siya'y pandak.
4 At tumakbo siya sa unahan, at umakyat sa isang punong kahoy na sikomoro upang makita siya: sapagka't siya'y magdaraan sa daang yaon.
5 At nang dumating si Jesus sa dakong yaon, ay siya'y tumingala, at sinabi sa kaniya, Zaqueo, magmadali ka, at bumaba ka; sapagka't ngayo'y kinakailangang ako'y tumuloy sa bahay mo.
6 At siya'y nagmadali, at bumaba, at tinanggap siyang may tuwa.
7 At nang makita nila ito, ay nangagbulongbulungan silang lahat, na nangagsasabi, Siya'y pumasok na nanunuluyan sa isang taong makasalanan.
8 At si Zaqueo ay nagtindig, at sinabi sa Panginoon, Narito, Panginoon, ang kalahati ng aking mga pag-aari ay ibinibigay ko sa mga dukha; at kung sakali't nakasingil akong may daya sa kanino mang tao, ay isinasauli ko ng makaapat.
9 At sinabi sa kaniya ni Jesus, Dumating sa bahay na ito ngayon ang pagkaligtas, sapagka't siya'y anak din naman ni Abraham.
10 Sapagka't ang Anak ng tao ay naparito upang hanapin at iligtas ang nawala.
11 At samantalang pinakikinggan nila ang mga bagay na ito, ay dinugtungan niya at sinalita ang isang talinghaga, sapagka't siya'y malapit na sa Jerusalem, at sapagka't kanilang inakala na pagdaka'y mahahayag ang kaharian ng Dios.
12 Sinabi nga niya, Isang mahal na tao ay naparoon sa isang malayong lupain, upang tumanggap ng isang kaharian na ukol sa kaniyang sarili, at magbalik.
13 At tinawag niya ang sangpu sa kaniyang mga alipin at binigyan sila ng sangpung mina, at sinabi sa kanila, Ipangalakal ninyo ito hanggang sa ako'y dumating.
14 Datapuwa't kinapopootan siya ng kaniyang mga mamamayan, at ipinahabol siya sa isang sugo, na nagsasabi, Ayaw kami na ang taong ito'y maghari pa sa amin.
15 At nangyari, na nang siya'y muling magbalik, nang matanggap na ang kaharian, ay ipinatawag niya sa kaniyang harapan ang mga aliping yaon, na binigyan niya ng salapi, upang maalaman niya kung gaano ang kanilang tinubo sa pangangalakal.
16 At dumating sa harapan niya ang una, na nagsasabi, Panginoon, nagtubo ang iyong mina ng sangpung mina pa.
17 At sinabi niya sa kaniya, Mabuting gawa, ikaw na mabuting alipin: sapagka't nagtapat ka sa kakaunti, magkaroon ka ng kapamahalaan sa sangpung bayan.
18 At dumating ang ikalawa, na nagsasabi, Panginoon, nagtubo ang iyong mina ng limang mina.
19 At sinabi niya sa kaniya, Magkaroon ka naman ng kapamahalaan sa limang bayan.
20 At dumating ang iba pa, na nagsasabi, Panginoon, narito ang iyong mina, na aking itinago sa isang panyo:
21 Dahil sa ako'y natakot sa iyo, sapagka't ikaw ay taong mabagsik kinukuha mo ang hindi mo inilagay, at ginagapas mo ang hindi mo inihasik.
22 Sinabi niya sa kaniya, Sa sariling bibig mo kita hinahatulan ikaw na masamang alipin. Nalalaman mo na ako'y taong mabagsik, na kumukuha ng hindi ko inilagay, at gumagapas ng hindi ko inihasik;
23 Kung gayon, bakit hindi mo inilagay ang salapi ko sa bangko, at nang sa aking pagbalik ay mahingi ko yaon pati ng tinubo?
24 At sinabi niya sa mga nahaharap, Alisin ninyo sa kaniya ang mina, at ibigay ninyo sa may sangpung mina.
25 At sinabi nila sa kaniya, Panginoon, siya'y mayroong sangpung mina.
26 Sinasabi ko sa inyo, na bibigyan ang bawa't mayroon; datapuwa't ang wala, pati ng nasa kaniya ay aalisin sa kaniya.
27 Datapuwa't itong aking mga kaaway, na ayaw na ako'y maghari sa kanila, ay dalhin ninyo rito, at patayin ninyo sila sa harapan ko.
28 At nang masabi niyang gayon, ay nagpatuloy siya sa unahan, na umahon sa Jerusalem.
29 At nangyari, na nang siya'y malapit na sa Betfage at Betania, sa bundok na tinatawag na Olivo, ay sinugo niya ang dalawa sa kaniyang mga alagad,
30 Na sinasabi, Magsiyaon kayo sa inyong lakad sa katapat na nayon; sa pagpasok ninyo roon, ay masusumpungan ninyo ang isang nakatali na batang asno, na hindi pa nasasakyan ng sinomang tao: kalagin ninyo siya, at dalhin ninyo siya rito.
31 At kung may sinomang tumanong sa inyo, Bakit ninyo kinakalag iyan? ganito ang inyong sasabihin, Kinakailangan siya ng Panginoon.
32 At nagsiparoon ang mga sugo at nasumpungan ng ayon sa sinabi niya sa kanila.
33 At nang kinakalag nila ang batang asno, ay sinabi sa kanila ng mga mayari niyaon, Bakit kinakalag ninyo ang batang asno?
34 At sinabi nila, Kinakailangan siya ng Panginoon.
35 At dinala nila siya kay Jesus: at inilagay nila ang kanilang mga damit sa ibabaw ng batang asno, at isinakay nila si Jesus sa ibabaw noon.
36 At samantalang siya'y lumalakad, ay inilalatag nila ang kanilang mga damit sa daan.
37 At nang nalalapit siya sa libis ng bundok ng mga Olivo, ang buong karamihan ng mga alagad ay nangagpasimulang mangagkatuwa at mangagpuri sa Dios ng malakas na tinig dahil sa lahat ng mga gawang makapangyarihan na kanilang mangakita.
38 Na sinasabi, Mapalad ang Hari na pumaparito sa pangalan ng Panginoon: kapayapaan sa langit, at kaluwalhatian sa kataastaasan.
39 At ilan sa mga Fariseo na mula sa karamihan ay nangagsabi sa kaniya, Guro, sawayin mo ang iyong mga alagad.
40 At sumagot siya at nagsabi, Sinasabi ko sa inyo na kung hindi mangagsiimik ang mga ito, ang mga bato'y sisigaw.
41 At nang malapit na siya, nakita niya ang bayan, at ito'y kaniyang tinangisan,
42 Na sinasabi, Kung sa araw na ito ay nakilala mo sana, sa iyong sarili, ang mga bagay na nauukol sa iyong kapayapaan! datapuwa't ngayo'y pawang nangatatago sa iyong mga mata.
43 Sapagka't darating sa iyo ang mga araw, na babakuran ka ng kuta ng mga kaaway mo, at kukubkubin ka, at gigipitin ka sa magkabikabila,
44 At ilulugso ka sa lupa, at ang mga anak mo na nasa loob mo; at sa iyo'y hindi sila magiiwan ng bato sa ibabaw ng kapuwa bato; sapagka't hindi mo nakilala ang panahon ng sa iyo'y pagdalaw.
45 At pumasok siya sa templo, at pinasimulang itaboy sa labas ang mga nangagbibili,
46 Na sinasabi sa kanila, Nasusulat nga, At ang aking bahay ay magiging bahay-panalanginan: datapuwa't ginawa ninyong yungib ng mga tulisan.
47 At nagtuturo siya arawaraw sa templo. Datapuwa't ang mga pangulong saserdote, at ang mga eskriba, at ang mga taong pangunahin sa bayan ay nangagsisikap na siya'y patayin:
48 At di nila masumpungan kung ano ang kanilang magagawa; sapagka't natitigilan ang buong bayan sa pakikinig sa kaniya.