1 At nangyari pagkatapos ng kaunting panahon, na siya'y naglalakad sa mga bayan at mga nayon, na ipinangangaral at dinadala ang mabubuting balita ng kaharian ng Dios, at kasama niya ang labingdalawa,
2 At ang ilang babae na pinagaling sa masasamang espiritu at sa mga sakit, si Maria, na tinatawag na Magdalena, na sa kaniya'y pitong demonio ang nagsilabas,
3 At si Juana na asawa ni Chuza, katiwala ni Herodes, at si Susana, at iba pang marami na ipinaglilingkod sa kanila ang kanilang tinatangkilik.
4 At nang magkatipon ang malaking karamihang tao, at ang mga mula sa bawa't bayan na nagsadya sa kaniya, ay nagsalita siya sa pamamagitan ng isang talinghaga:
5 Ang manghahasik ay yumaon upang maghasik ng kaniyang binhi: at sa kaniyang paghahasik ang ilan ay nangahulog sa tabi ng daan; at napagyapakan, at ito'y kinain ng mga ibon sa langit.
6 At ang iba'y nahulog sa batuhan; at pagsibol, ay natuyo, sapagka't walang halumigmig.
7 At ang iba'y nahulog sa mga dawagan; at tumubong kasama ang mga dawag, at yao'y ininis.
8 At ang iba'y nahulog sa mabuting lupa, at tumubo at nagbunga ng tigiisang daan. Pagkasabi niya ng mga bagay na ito, siya ay sumigaw, Ang may mga pakinig na ipakikinig, ay makinig.
9 At tinanong siya ng kaniyang mga alagad, kung ano kaya ang talinghagang ito.
10 At sinabi niya, Sa inyo'y ipinagkaloob ang mangakaalam ng mga hiwaga ng kaharian ng Dios: datapuwa't sa mga iba'y sa mga talinghaga; upang kung magsitingin ay huwag silang mangakakita, at mangakarinig ay huwag silang mangakaunawa.
11 Ito ang talinghaga: Ang binhi ay ang salita ng Dios.
12 At ang mga sa tabi ng daan, ay ang nangakinig; kung magkagayo'y dumarating ang diablo, at inaalis ang salita sa kanilang puso, upang huwag silang magsisampalataya at mangaligtas.
13 At ang mga sa batuhan, ay yaong mga pagkarinig, ay tinatanggap na may galak ang salita; at ang mga ito'y walang ugat, na sila sa sangdaling panaho'y nagsisisampalataya, at sa panahon ng tukso ay nagsisihiwalay.
14 At ang nahulog sa dawagan, ay ito ang nangakinig, at samantalang sila'y nagsisiyaon sa kanilang lakad ay iniinis sila ng mga pagsusumakit at mga kayamanan at mga kalayawan sa buhay na ito, at hindi nangagbubunga ng kasakdalan.
15 At ang sa mabuting lupa ay ang mga pusong timtiman at mabuti, na iniingatan ang salita pagkarinig, at nangagbubunga may pagtitiis.
16 At walang taong pagkapaningas niya ng ilawan ay tinatakpan ng isang banga, o inilalagay kaya ito sa ilalim ng isang higaan; kundi inilalagay ito sa talagang lalagyan, upang makita ng nagsisipasok ang ilaw.
17 Sapagka't walang bagay na natatago, na di mahahayag; o walang lihim, na di makikilala at mapapasa liwanag.
18 Ingatan ninyo kung paano ang inyong pakikinig: sapagka't sino mang mayroon ay bibigyan; at ang sinomang wala, pati ng inaakala niyang nasa kaniya ay aalisin.
19 At nagsiparoon sa kaniya ang kaniyang ina at mga kapatid, at sila'y hindi mangakalapit sa kaniya dahil sa karamihan ng tao.
20 At may nagsabi sa kaniya, Nangakatayo sa labas ang iyong ina at iyong mga kapatid, na ibig nilang makita ka.
21 Datapuwa't siya'y sumagot, at sinabi sa kanila, Ang aking ina at ang aking mga kapatid ay itong nangakikinig ng salita ng Dios, at ginagawa.
22 Nangyari nga sa mga araw na yaon, na siya'y lumulan sa isang daong, siya at ang kaniyang mga alagad; at sinabi niya sa kanila, Magsitawid tayo sa kabilang ibayo ng dagatdagatan: at sila'y nagsitulak.
23 Datapuwa't samantalang sila'y nangaglalayag, siya'y nakatulog: at bumugso ang isang unos ng hangin sa dagatdagatan; at sila'y nangatitigib ng tubig, at nangasa kapanganiban.
24 At sila'y nangagsilapit sa kaniya at siya'y ginising, na nangagsasabi, Guro, guro, tayo'y mangamamatay. At siya'y gumising, at sinaway ang hangin at ang galit ng tubig: at nangagsitigil, at humusay ang panahon.
25 At sinabi niya sa kanila, Saan naroon ang inyong pananampalataya? At palibhasa'y nangatakot sila'y nagsisipanggilalas, na sinasabi ng isa sa iba, Sino nga ito, na siya'y naguutos maging sa hangin at sa tubig, at siya'y tinatalima nila?
26 At sila'y nagsidating sa lupain ng mga Gadareno, na nasa tapat ng Galilea.
27 At pagkalunsad niya sa lupa, siya'y sinalubong ng isang lalaking galing sa bayan, na may mga demonio; at malaong panahon na hindi siya nagdaramit, at hindi tumatahan sa bahay, kundi sa mga libingan.
28 At nang makita niya si Jesus, siya'y sumigaw, at nagpatirapa sa harap niya, at sinabi ng malakas na tinig, Ano ang pakialam ko sa iyo, Jesus, ikaw na Anak ng Dios na Kataastaasan? Ipinamamanhik ko sa iyo, na huwag mo akong pahirapan.
29 Sapagka't ipinagutos niya sa karumaldumal na espiritu na lumabas sa tao. Sapagka't madalas siyang inaalihan: at siya'y binabantayan at gapos ng mga tanikala at mga damal; at pagka pinapatid ang gapos ay siya'y itinataboy ng demonio sa mga ilang.
30 At tinanong siya ni Jesus, Ano ang pangalan mo? At sinabi niya, Pulutong; sapagka't maraming demonio ang nagsipasok sa kaniya.
31 At ipinamamanhik nila sa kaniya na huwag silang paparoonin sa kalalimlaliman.
32 Doon nga'y may isang kawan ng maraming baboy na nagsisipanginain sa bundok: at ipinamanhik nila sa kaniya na pabayaang sila'y magsipasok sa mga yaon. At sila'y pinahintulutan niya.
33 At nagsilabas ang mga demonio sa tao, at nagsipasok sa mga baboy: at ang kawan ay napadaluhong sa bangin hanggang sa dagatdagatan, at nangalunod.
34 At nang makita ng nagsisipagalaga ng mga yaon ang nangyari, ay nagsitakas, at isinaysay sa bayan at sa bukid.
35 At sila'y nagsilabas upang makita ang nangyari; at nagsilapit sila kay Jesus, at kanilang naratnan sa paanan ni Jesus ang taong nilabasan ng mga demonio, na nakaupo, may pananamit, at matino ang kaniyang bait: at sila'y nangatakot.
36 At sa kanila'y isinaysay ng nangakakita kung paanong pinagaling ang inaalihan ng mga demonio.
37 At ipinamanhik sa kaniya ng lahat ng mga tao sa palibotlibot ng lupain ng mga Gadareno na siya'y umalis sa kanila, sapagka't sila'y napipigilan ng malaking takot: at siya'y lumulan sa daong, at nagbalik.
38 Datapuwa't namanhik sa kaniya ang taong nilabasan ng mga demonio, na siya'y ipagsama niya: datapuwa't siya'y pinaalis niya, na sinasabi,
39 Umuwi ka sa iyong bahay, at ipahayag mo kung gaano kadakilang mga bagay ang ginawa ng Dios sa iyo. At siya'y yumaon ng kaniyang lakad, na ibinabalita sa buong bayan, kung gaanong kadakilang mga bagay ang sa kaniya'y ginawa ni Jesus.
40 At sa pagbalik ni Jesus, ay sinalubong siyang may galak ng karamihan; sapagka't hinihintay siya nilang lahat.
41 At narito, lumapit ang isang lalaking nagngangalang Jairo, at siya'y isang pinuno sa sinagoga: at siya'y nagpatirapa sa paanan ni Jesus, at ipinamamanhik sa kaniya, na pumasok sa kaniyang bahay;
42 Sapagka't siya'y may isang bugtong na anak na babae, na may labingdalawang taong gulang, at siya'y naghihingalo. Datapuwa't samantalang siya'y lumalakad ay sinisiksik siya ng karamihan.
43 At isang babae na may labingdalawang taon nang inaagasan, na ginugol sa mga manggagamot ang lahat niyang pagkabuhay, at sinoma'y walang makapagpagaling sa kaniya,
44 Ay lumapit sa kaniyang likuran, at hinipo ang laylayan ng kaniyang damit at pagdaka'y naampat ang kaniyang agas.
45 At sinabi ni Jesus, Sino ang humipo sa akin? At nang tumatanggi ang lahat, ay sinabi ni Pedro, at ng mga kasamahan niya, Guro, iniimpit ka at sinisiksik ka ng karamihan.
46 Datapuwa't sinabi ni Jesus, May humipo sa akin, sapagka't naramdaman ko na may umalis na bisa sa akin.
47 At nang makita ng babae na siya'y hindi nalingid, ay lumapit siya na nangangatal, at nagpatirapa sa harapan niya na isinasaysay sa harapan ng buong bayan ang dahil kung bakit siya'y hinipo niya, at kung paanong gumaling siya kapagdaka.
48 At sinabi niya sa kaniya, Anak, pinagaling ka ng iyong pananampalataya; yumaon kang payapa.
49 Samantalang nagsasalita pa siya ay dumating ang isa na mula sa bahay ng pinuno sa sinagoga, na nagsasabi, Patay na ang anak mong babae; huwag mong bagabagin ang Guro.
50 Datapuwa't nang marinig ito ni Jesus ay sumagot sa kaniya, Huwag kang matakot: manampalataya ka lamang, at siya'y gagaling.
51 At nang dumating siya sa bahay, ay hindi niya ipinahintulot na pumasok na kasama niya ang sinomang tao, maliban na kay Pedro, at kay Juan, at kay Santiago, at ang ama ng dalaga at ang ina nito.
52 At tumatangis ang lahat, at pinananambitanan ang dalaga: datapuwa't sinabi niya, Huwag kayong magsitangis; sapagka't siya'y hindi patay, kundi natutulog.
53 At tinawanan nila siya na nililibak, na napagaalamang siya'y patay na.
54 Datapuwa't tinangnan niya sa kamay, at tinawag, na sinasabi, Dalaga, magbangon ka.
55 At nagbalik ang kaniyang espiritu, at siya'y nagbangon pagdaka: at kaniyang ipinagutos na siya'y bigyan ng pagkain.
56 At nangagtaka ang kaniyang mga magulang: datapuwa't ipinagbilin niya sa kanila na huwag sabihin kanino man ang kaniyang ginawa.