1 Pagka umaga nga, ang lahat ng mga pangulong saserdote at ang matatanda sa bayan ay nangagsanggunian laban kay Jesus upang siya'y ipapatay:
2 At siya'y ginapos nila, at siya'y inilabas, at kanilang ibinigay siya kay Pilato na gobernador.
3 Nang magkagayo'y si Judas, na nagkanulo sa kaniya, pagkakitang siya'y nahatulan na, ay nagsisi, at isinauli ang tatlongpung putol na pilak sa mga pangulong saserdote at sa matatanda,
4 Na sinasabi, Nagkasala ako sa aking pagkakanulo sa dugong walang kasalanan. Datapuwa't kanilang sinabi, Ano sa amin? ikaw ang bahala niyan.
5 At kaniyang ibinulaksak sa santuario ang mga putol na pilak, at umalis; at siya'y yumaon at nagbigti.
6 At kinuha ng mga pangulong saserdote ang mga putol na pilak, at sinabi, Hindi matuwid na ilagay ang pilak na iyan sa kabang-yaman, sapagka't halaga ng dugo.
7 At sila'y nangagsanggunian, at ibinili nila ang mga yaon ng bukid ng magpapalyok, upang paglibingan ng mga taga ibang bayan.
8 Dahil dito'y tinawag ang bukid na yaon, ang bukid ng dugo, hanggang ngayon.
9 Nang magkagayo'y natupad ang sinalita sa pamamagitan ng propeta Jeremias, na nagsasabi, At kinuha nila ang tatlongpung putol na pilak, halaga noong hinalagahan, na inihalaga ng mga anak ng Israel;
10 At kanilang ibinigay ang mga yaon na pinakabayad sa bukid ng magpapalyok, ayon sa iniutos sa akin ng Panginoon.
11 Si Jesus nga ay nakatayo sa harap ng gobernador: at tinanong siya ng gobernador, na nagsasabi, Ikaw baga ang Hari ng mga Judio? At sinabi sa kaniya ni Jesus, Ikaw ang nagsasabi.
12 At nang siya'y isakdal ng mga pangulong saserdote at ng matatanda, ay hindi siya sumagot ng anoman.
13 Nang magkagayo'y sinabi sa kaniya ni Pilato, Hindi mo baga naririnig kung gaano karaming bagay ang kanilang sinasaksihang laban sa iyo?
14 At hindi siya sinagot niya, ng kahit isang salita man lamang: ano pa't nanggilalas na mainam ang gobernador.
15 Sa kapistahan nga ay pinagkaugalian ng gobernador na pawalan sa karamihan ang isang bilanggo, na sinoman ang kanilang ibigin.
16 At noo'y sila'y may isang bilanggong bantog, na tinatawag na Barrabas.
17 Nang sila'y mangagkatipon nga, ay sinabi sa kanila ni Pilato, Sino ang ibig ninyong sa inyo'y aking pawalan? si Barrabas, o si Jesus na tinatawag na Cristo?
18 Sapagka't natatalastas niya na dahil sa kapanaghilian ay ibinigay siya nila sa kaniya.
19 At samantalang nakaupo siya sa luklukan ng pagkahukom, ay nagsugo sa kaniya ang kaniyang asawa, na nagsasabi, Huwag kang makialam sa matuwid na taong iyan; sapagka't ngayong araw na ito'y naghirap ako ng maraming bagay sa panaginip dahil sa kaniya.
20 Inudyukan ng mga pangulong saserdote at ng matatanda ang mga karamihan na hingin nila si Barrabas, at puksain si Jesus.
21 Datapuwa't sumagot ang gobernador at sa kanila'y sinabi, Alin sa dalawa ang ibig ninyong sa inyo'y aking pawalan? At sinabi nila, Si Barrabas.
22 Sinabi sa kanila ni Pilato, Ano ang gagawin kay Jesus na tinatawag na Cristo? Sinabi nilang lahat, Mapako siya sa krus.
23 At sinabi niya, Bakit, anong kasamaan ang kaniyang ginawa? Datapuwa't sila'y lalong nangagsigawan, na nangagsasabi, Mapako siya sa krus.
24 Kaya't nang makita ni Pilato na wala siyang magawa, kundi bagkus pa ngang lumalala ang kaguluhan, siya'y kumuha ng tubig, at naghugas ng kaniyang mga kamay sa harap ng karamihan, na sinasabi, Wala akong kasalanan sa dugo nitong matuwid na tao; kayo ang bahala niyan.
25 At sumagot ang buong bayan at nagsabi, Mapasa amin ang kaniyang dugo, at sa aming mga anak.
26 Nang magkagayo'y pinawalan niya sa kanila si Barrabas; nguni't si Jesus ay hinampas at ibinigay upang ipako sa krus.
27 Nang magkagayo'y dinala si Jesus ng mga kawal ng gobernador sa Pretorio, at nagkatipon sa kaniya ang buong pulutong.
28 At siya'y kanilang hinubdan, at dinamtan siya ng isang balabal na kulay-ube.
29 At sila'y nangagkamakama ng isang putong na tinik, at ipinutong sa kaniyang ulo, at inilagay sa kanang kamay niya ang isang tambo; at sila'y nagsiluhod sa harap niya at siya'y kanilang nilibak, na nagsisipagsabi, Magalak, Hari ng mga Judio!
30 At siya'y kanilang niluluraan, at kinuha nila ang tambo at sinaktan siya sa ulo.
31 At nang siya'y kanilang malibak, ay hinubdan nila siya ng balabal, at isinuot sa kaniya ang kaniyang mga damit, at kanilang inilabas siya upang ipako sa krus.
32 At paglabas nila'y kanilang nasalubong ang isang taong taga Cirene, na ang pangala'y Simon: ito'y kanilang pinilit na sumama sa kanila, upang pasanin niya ang kaniyang krus.
33 At nang sila'y magsirating sa isang dakong tinatawag na Golgota, sa makatuwid baga'y, Ang dako ng bungo,
34 Ay pinainom nila siya ng alak na may kahalong apdo: at nang kaniyang matikman, ay ayaw niyang inumin.
35 At nang siya'y kanilang maipako sa krus ay kanilang binahagi ang kaniyang mga damit, na kanilang pinagsapalaran;
36 At sila'y nangagsiupo at binantayan siya roon.
37 At inilagay nila sa kaniyang ulunan ang pamagat sa kaniya, na nasusulat: ITO'Y SI JESUS, ANG HARI NG MGA JUDIO.
38 Nang magkagayo'y ipinakong kasama niya ang dalawang tulisan, isa sa kanan at isa sa kaliwa.
39 At siya'y nililibak ng nangagdaraan, na iginagalaw ang kanilang mga ulo,
40 At nangagsasabi, Ikaw na igigiba mo ang templo, at sa tatlong araw ay iyong itatayo, iyong iligtas ang sarili mo: kung ikaw ay Anak ng Dios, ay bumaba ka sa krus.
41 Gayon din naman ang paglibak sa kaniya ng mga pangulong saserdote, pati ng mga eskriba at ng matatanda, na nagsipagsabi,
42 Nagligtas siya sa mga iba; sa kaniyang sarili ay hindi makapagligtas. Siya ang Hari ng Israel; bumaba siya ngayon sa krus, at tayo'y magsisisampalataya sa kaniya.
43 Nananalig siya sa Dios; iligtas niya siya ngayon, kung siya'y iniibig: sapagka't sinabi niya, Ako'y Anak ng Dios.
44 At minumura din naman siya ng mga tulisang kasama niyang nangapapako sa krus.
45 Mula nga nang oras na ikaanim ay nagdilim sa ibabaw ng buong sangkalupaan hanggang sa oras na ikasiyam.
46 At nang malapit na ang oras na ikasiyam ay sumigaw si Jesus ng malakas na tinig, na sinasabi: Eli, Eli, lama sabachthani? sa makatuwid baga'y, Dios ko, Dios ko bakit mo ako pinabayaan?
47 At nang marinig ito ng ilan sa nangakatayo roon, ay sinabi, Tinatawag ng taong ito si Elias.
48 At pagkaraka'y tumakbo ang isa sa kanila, at kumuha ng isang espongha, at binasa ng suka, saka inilagay sa isang tambo, at ipinainom sa kaniya.
49 At sinabi ng mga iba, Pabayaan ninyo; tingnan natin kung paririto si Elias upang siya'y iligtas.
50 At muling sumigaw si Jesus ng malakas na tinig, at nalagot ang kaniyang hininga.
51 At narito, ang tabing ng templo'y nahapak na nagkadalawa buhat sa itaas hanggang sa ibaba; at nayanig ang lupa; at nangabaak ang mga bato;
52 At nangabuksan ang mga libingan; at maraming katawan ng mga banal na nangakatulog ay nangagbangon;
53 At paglabas sa mga libingan pagkatapos na siya'y mabuhay na maguli ay nagsipasok sila sa bayang banal at nangapakita sa marami.
54 Ang senturion nga, at ang mga kasamahan niya sa pagbabantay kay Jesus, nang mangakita nila ang lindol, at ang mga bagay na nangyari, ay lubhang nangatakot, na nangagsasabi, Tunay na ito ang Anak ng Dios.
55 At nangaroroon ang maraming babae na nagsisipanood buhat sa malayo, na nagsisunod kay Jesus buhat sa Galilea, na siya'y kanilang pinaglilingkuran:
56 Na sa mga yaon ay si Maria Magdalena, at si Maria na ina ni Santiago at ni Jose, at ang ina ng mga anak ni Zebedeo.
57 At nang hapon na ay dumating ang isang mayamang mula sa Arimatea, na nagngangalang Jose, na ito'y naging alagad din naman ni Jesus;
58 Ang taong ito'y naparoon kay Pilato, at hiningi ang bangkay ni Jesus. Nang magkagayo'y ipinagutos ni Pilato na ibigay yaon.
59 At kinuha ni Jose ang bangkay at binalot niya ng isang malinis na kayong lino,
60 At inilagay sa kaniyang sariling bagong libingan, na kaniyang hinukay sa bato: at iginulong niya ang isang malaking bato sa pintuan ng libingan, at umalis.
61 At nangaroon si Maria Magdalena, at ang isang Maria, at nangakaupo sa tapat ng libingan.
62 Nang kinabukasan nga, na siyang araw pagkatapos ng Paghahanda, ay nangagkatipon kay Pilato ang mga pangulong saserdote at ang mga Fariseo,
63 Na nagsisipagsabi, Ginoo, naaalaala namin na sinabi ng magdarayang yaon nang nabubuhay pa, Pagkaraan ng tatlong araw ay magbabangon akong muli.
64 Ipagutos mo nga na ingatan ang libingan hanggang sa ikatlong araw, baka sakaling magsiparoon ang kaniyang mga alagad at siya'y nakawin, at sabihin sa bayan, Siya'y nagbangon sa gitna ng mga patay: at lalong sasama ang huling kamalian.
65 Sinabi sa kanila ni Pilato, Mayroon kayong bantay: magsiparoon kayo, inyong ingatan ayon sa inyong makakaya.
66 Kaya't sila'y nagsiparoon, at iningatan nila ang libingan, tinatakan ang bato, na kasama nila ang bantay.