1 Ang salita ng Panginoon na dumating kay Zefanias na anak ni Cushi, na anak ni Gedalias, na anak ni Amarias, na anak ni Ezechias, nang mga kaarawan ni Josias na anak ni Amon, na hari sa Juda.
2 Aking lubos na lilipulin ang lahat na bagay sa ibabaw ng lupa, sabi ng Panginoon.
3 Aking lilipulin ang tao at ang hayop; aking lilipulin ang mga ibon sa himpapawid, at ang mga isda sa dagat, at ang mga katitisuran na kasama ng mga masama; at aking ihihiwalay ang tao sa ibabaw ng lupa, sabi ng Panginoon.
4 At aking iuunat ang aking kamay sa Juda, at sa lahat na nananahan sa Jerusalem; at aking ihihiwalay ang nalabi kay Baal sa dakong ito, at ang pangalan ng mga Chemarim sangpu ng mga saserdote;
5 At ang nagsisisamba sa natatanaw sa langit sa mga bubungan ng bahay; at ang nagsisisamba na nanunumpa sa Panginoon at nanunumpa sa pangalan ni Malcam;
6 At ang nagsisitalikod na mula sa pagsunod sa Panginoon; at yaong mga hindi nagsisihanap sa Panginoon, ni sumangguni man sa kaniya.
7 Pumayapa ka sa harap ng Panginoong Dios; sapagka't ang kaarawan ng Panginoon ay malapit na: sapagka't inihanda ng Panginoon ang isang hain, kaniyang itinalaga ang kaniyang mga panauhin.
8 At mangyayari sa kaarawan ng hain sa Panginoon, na aking parurusahan ang mga prinsipe, at ang mga anak ng hari, at ang lahat na nangagsusuot ng pananamit ng taga ibang lupa.
9 At sa araw na yaon ay aking parurusahan yaong lahat na nagsisilukso sa pasukan, na pinupuno ang bahay ng kanilang panginoon ng pangdadahas at pagdaraya.
10 At sa araw na yaon, sabi ng Panginoon, magkakaroon ng ingay ng hiyawan na mula sa pintuang-bayan ng mga isda, at ng pananambitan mula sa ikalawang bahagi, at malaking hugong na mula sa mga burol.
11 Manambitan kayo, kayong mga nananahan sa Mactes; sapagka't ang buong bayan ng Canaan ay nalansag; yaong napapasanan ng pilak ay nangahiwalay.
12 At mangyayari sa panahong yaon, na ang Jerusalem ay sisiyasatin kong may mga ilawan; at aking parurusahan ang mga tao na nagsisiupo sa kanilang mga latak, na nangagsasabi sa kanilang puso, Ang Panginoo'y hindi gagawa ng mabuti, ni gagawa man siya ng masama.
13 At ang kanilang kayamanan ay magiging samsam, at ang kanilang mga bahay ay kasiraan: oo, sila'y mangagtatayo ng mga bahay, nguni't hindi nila titirahan; at sila'y mag-uubasan, nguni't hindi sila magsisiinom ng alak niyaon.
14 Ang dakilang kaarawan ng Panginoon ay malapit na, malapit na at nagmamadaling mainam, sa makatuwid baga'y ang tinig ng kaarawan ng Panginoon; ang makapangyarihang tao ay sumisigaw roon ng kalagimlagim.
15 Ang araw na yaon ay kaarawan ng kapootan, kaarawan ng kabagabagan at kahapisan, kaarawan ng kawakasan at kasiraan, kaarawan ng kadiliman at kalumbayan, kaarawan ng mga alapaap at pagsasalimuot ng kadiliman,
16 Kaarawan ng pakakak at ng hudyatan, laban sa mga bayang nakukutaan, at laban sa mataas na kuta.
17 At aking dadalhan ng kahapisan ang mga tao, na sila'y magsisilakad na parang mga bulag, sapagka't sila'y nangagkasala laban sa Panginoon; at ang kanilang dugo ay mabububo na parang alabok, at ang kanilang katawan ay parang dumi.
18 Kahit ang kanilang pilak o ang kanilang ginto man ay hindi makapagliligtas sa kanila sa kaarawan ng kapootan ng Panginoon; kundi ang buong lupain ay masusupok sa pamamagitan ng apoy ng kaniyang paninibugho: sapagka't wawakasan niya, oo, isang kakilakilabot na wakas, nilang lahat na nagsisitahan sa lupain.