1 Huwag kang mabalisa dahil sa mga manggagawa ng kasamaan, ni managhili ka man sa kanila na nagsisigawa ng kalikuan.
2 Sapagka't sila'y madaling puputuling gaya ng damo, at matutuyong gaya ng sariwang damo.
3 Tumiwala ka sa Panginoon, at gumawa ka ng mabuti; tumahan ka sa lupain, at gawin mong kumain sa kaniyang pagkatapat.
4 Magpakaligaya ka naman sa Panginoon; at bibigyan ka niya ng nasa ng iyong puso.
5 Ihabilin mo ang iyong lakad sa Panginoon; tumiwala ka rin naman sa kaniya, at kaniyang papangyayarihin.
6 At kaniyang palalabasing gaya ng liwanag ang iyong katuwiran, at ang iyong kahatulan ay gaya ng katanghaliang tapat.
7 Ikaw ay magpahinga sa Panginoon, at maghintay kang may pagtitiis sa kaniya: huwag kang mabalisa ng dahil sa kaniya na gumiginhawa sa kaniyang lakad, dahil sa lalake na nagpapangyari ng mga masamang katha.
8 Maglikat ka ng pagkagalit, at bayaan mo ang poot: huwag kang mabalisa, iya'y maghahatid lamang sa paggawa ng kasamaan.
9 Sapagka't ang mga manggagawa ng kasamaan ay mangahihiwalay: nguni't yaong nagsipaghintay sa Panginoon, ay mangagmamana sila ng lupain.
10 Sapagka't sangdali na lamang, at ang masama ay mawawala na: Oo, iyong uusisaing mainam ang kaniyang dako, at siya'y mawawala na.
11 Nguni't ang maamo ay magmamana ng lupain, at masasayahan sa kasaganaan ng kapayapaan.
12 Ang masama ay kumakatha laban sa ganap, at pinagngangalit sa kaniya ang kaniyang mga ngipin.
13 Tatawanan siya ng Panginoon: sapagka't kaniyang nakikita na ang kaniyang kaarawan ay dumarating.
14 Hinugot ng masama ang tabak, at inihanda ang kanilang busog: upang ilugmok ang dukha at mapagkailangan, upang patayin ang matuwid sa paglakad:
15 Ang kanilang tabak ay masasaksak sa kanilang sariling puso, at ang kanilang busog ay mababali.
16 Mainam ang kaunti na tinatangkilik ng matuwid, kay sa kasaganaan ng maraming masama.
17 Sapagka't ang mga bisig ng masasama ay mangababali: nguni't inaalalayan ng Panginoon ang matuwid.
18 Nalalaman ng Panginoon ang kaarawan ng sakdal: at ang kanilang mana ay magiging sa magpakailan man.
19 Hindi sila mangapapahiya sa panahon ng kasamaan: at sa mga kaarawan ng kagutom ay mangabubusog sila.
20 Nguni't ang masama ay mamamatay, at ang mga kaaway ng Panginoon ay magiging gaya ng taba ng mga kordero: sila'y mangapupugnaw: sa usok mangapupugnaw sila.
21 Ang masama ay humihiram, at hindi nagsasauli: nguni't ang matuwid ay nahahabag, at nagbibigay.
22 Sapagka't ang mga gayong pinagpala ng Panginoon ay mangagmamana ng lupain; at silang sinumpa niya ay mahihiwalay.
23 Ang lakad ng tao ay itinatag ng Panginoon; at siya'y nasasayahan sa kaniyang lakad.
24 Bagaman siya'y mabuwal, hindi siya lubos na mapapahiga: Sapagka't inaalalayan siya ng Panginoon ng kaniyang kamay.
25 Ako'y naging bata, at ngayo'y matanda; gayon ma'y hindi ko nakita ang matuwid na pinabayaan, ni ang kaniyang lahi man ay nagpapalimos ng tinapay.
26 Lahat ng araw ay nahahabag, at nagpapahiram; at ang kaniyang lahi ay pinagpapala.
27 Ikaw ay humiwalay sa kasamaan, at gumawa ka ng mabuti; at manahan ka magpakailan man.
28 Sapagka't iniibig ng Panginoon ang kahatulan, at hindi pinababayaan ang kaniyang mga banal; sila'y iniingatan magpakailan man: nguni't ang lahi ng masama ay mahihiwalay.
29 Mamanahin ng matuwid ang lupain, at tatahan doon magpakailan man.
30 Ang bibig ng matuwid ay nangungusap ng karunungan, at ang kaniyang dila ay nagsasalita ng kahatulan.
31 Ang kautusan ng kaniyang Dios ay nasa kaniyang puso, walang madudulas sa kaniyang mga hakbang.
32 Inaabatan ng masama ang matuwid, at pinagsisikapang patayin niya siya.
33 Hindi siya iiwan ng Panginoon sa kaniyang kamay, ni parurusahan man siya pagka siya'y nahatulan.
34 Hintayin mo ang Panginoon, at ingatan mo ang kaniyang daan, at ibubunyi ka upang manahin mo ang lupain: pagka nahiwalay ang masama, iyong makikita.
35 Aking nakita ang masama sa malaking kapangyarihan, at lumalaganap na gaya ng sariwang punong kahoy sa kaniyang lupang tinubuan.
36 Nguni't may dumaan at, narito, wala na siya: Oo, hinanap ko siya, nguni't hindi siya masumpungan.
37 Tandaan mo ang sakdal na tao, at masdan mo ang matuwid: sapagka't may isang maligayang wakas sa taong may kapayapaan.
38 Tungkol sa mga mananalangsang, mangalilipol silang magkakasama: ang huling wakas ng masama ay mahihiwalay.
39 Nguni't ang kaligtasan ng matuwid ay sa Panginoon: siya'y ang kanilang kuta sa panahon ng kabagabagan.
40 At sila'y tinutulungan ng Panginoon, at sinasagip sila: sinasagip niya sila sa masama, at inililigtas sila. Sapagka't sila'y nagsipagkanlong sa kaniya.